ni Jasmin Joy Evangelista | December 12, 2021
Nagkalat ngayon sa social media ang mga hinaing at reklamo ng mga BDO Unibank users matapos umanong ma-hack ang kanilang mga account at makuhanan ng P25,000 hanggang P50,000.
Ayon sa mga social media posts, nakababahala ang pangyayari dahil kahit mahigpit ang iyong security sa online banking ay nagagawa pa ring manakawan ang account nang walang isine-send na One Time Password (OTP) sa may-ari ng account.
Ang mga nakuhang pera mula sa account ng iba’t ibang BDO user ay itina-transfer sa iba’t ibang UnionBank accounts.
Ayon sa mga nabiktima, na-transfer ang kanilang pera sa isang taong nagngangalang Mark D. Nagoyo na mayroong multiple UnionBank accounts.
Dahil dito ay maraming Facebook page groups ang nabuo kung saan ibinabahagi ng mga nabiktima ang kanilang experience hinggil dito. Anila, hindi ito isang phishing attack dahil wala silang kahit anong link na na-click mula sa messages, SMS, o email.
Isa sa mga biktima si Ellard Chua, na nakuhanan umano ng P50,000 mula sa kanyang account at na-transfer sa isang UnionBank account. Ang kataka-taka umano rito ay ginamit ng mga cybercriminal ang kanyang pangalan sa isa sa mga UnionBank accounts na ginagamit para pag-transfer-an ng pera mula sa iba pang biktima. Ginamit din umano ang kanyang work number.
Ang isang Facebook group na mino-monitor ni Chua ay mayroong mahigit 150 biktima na nag-post sa kanilang social media accounts. “How about those who do not join groups like this?” tanong niya.
Isa pang biktima si James Sarmiento na nakuhanan umano ng P100,000 noong December 9, 3:00 a.m.
“To summarize, we all had unauthorized transactions from our BDO account to another bank account — either to multiple BDO accounts or multiple Unionbank accounts. Cases range starting November 29 until just today and are continuing,” pahayag ni Sarmiento.
Dahil dito ay mayroon ding naglabasang impormasyon na ang UnionBank Account #1094211022533 ay ginamit upang bumili ng Bitcoin worth P5M pesos sa cryptocurrency market noong December 11. Ninakaw ng hacker ang pera sa BDO victims, inilipat sa Unionbank account na may pekeng pangalan at agad na ibinili ng Bitcoin. Ginawa raw ito nang weekend dahil alam ng mga hackers na masasagot ang mga complaints kapag office hours.
Nag-submit na umano ng report ang ilang biktima sa DOJ, PNP, NBI, DICT-CICC and gave copies to BSP, NTC, BDO, at Globe hinggil sa insidente.
Samantala, siniguro ng BDO na maire-reimburse ang mga nawalang pera ng kanilang mga kliyente na apektado ng fraud. Ni-require na rin nito ang online banking users na i-update ang kanilang passwords upang ma-improve ang security laban sa fraudsters.