ni Lolet Abania | July 2, 2021
Umabot sa 1,499 indibidwal o 344 pamilya ang inilikas at dinala sa mga evacuation centers ngayong Biyernes matapos na sumabog ang Bulkang Taal kahapon.
Sa alas-11:00 ng umagang update ng Batangas Provincial Police Office (PPO), nasa 1,126 residente ng Laurel ang inilikas at dinala sa tinatayang pitong eskuwelahan, 118 naman mula sa Talisay ang pansamantalang nanuluyan sa Calamba Regional Government Center, habang 255 residente ng Balete ang nasa Malabanan Elementary School.
Ayon sa Batangas PPO, nasa 64 search-and-rescue personnel ang itinalaga at 12 kawani naman ang nakabantay sa mga evacuation centers.
Sa ulat ng Police Regional Office 4A, 58 katao ang bumalik na sa kanilang mga tirahan sa Agoncillo at Sto. Tomas. Subalit, tinatayang 5 barangay sa Laurel at Agoncillo, Batangas ay nagpatupad ng forced evacuation sa gitna ng nagaganap na aktibidad ng Taal Volcano.
Batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 13 barangays sa Batangas ang labis na naapektuhan ng pagsabog gaya ng Poblacion at Sinturisan sa San Nicolas; Gulod, Buso Buso, Bugaan West, at Bugaan East sa Laurel; Subic Ilaya, Banyaga, at Bilibinwang sa Agoncillo; Apacay sa Taal; Luyos at Boot sa Tanauan City; San Sebastian sa Balete.
Iniulat kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang pagkakaroon ng bahagyang phreatomagmatic eruption sa main crater ng Bulkang Taal at nagbuga ito ng dark grayish plume na umabot sa taas na 1,000 metro.
Sinundan ito ng apat na maiiksing phreatomagmatic na pagsabog ng alas-6:26 ng gabi, alas-7:21 ng gabi, alas- 7:41 ng gabi at alas-8:20 ng gabi na tumagal lamang ng 2 minuto, kung saan naglabas ng plumes na umabot nang hanggang 200 metrong taas sa main crater lake.
Umaga ngayong Biyernes, nananatili pa ring nasa Alert Level 3 sa paligid ng Taal Volcano.