ni Jasmin Joy Evangelista | March 27, 2022
Niyanig ng magnitude 5.2 na lindol ang Basco, Batanes nitong Sabado ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa PHIVOLCS ang epicenter ng lindol, na tumama bandang 9:53 p.m., ay 40 kilometers northeast ng Basco.
Ito ay tectonic na may lalim na 29 kilometers, at naramdaman ang Intensity III sa Basco.
Nagpaalala naman ang ahensiya na posibleng makaranas ng aftershocks matapos ang naturang lindol.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB ngayong Linggo, sinabi ni PHIVOLCS Director at Science Undersecretary Renato Solidum Jr. ang ang lindol ay dulot ng nabuong fault dahil sa pagtama ng kontinente ng Asya sa tip ng northern Luzon.
"Sa Batanes kasi maraming fault sa lupa, at ito ay dulot ng collision ng kontinente ng Asia doon sa dulo ng northern Luzon. Ang Batanes at Taiwan island ay collision zone, binabangga, kaya paminsan-minsan ay may lindol sa dagat na nararamdaman ng mga isla malapit sa Batanes," ani Solidum.