ni Lolet Abania | February 1, 2021
Labing-walong mountaineers ang nasagip nang atakihin ang mga ito ng mga bubuyog sa Mt. Tarak sa Mariveles, Bataan.
Sa ulat, nanghihina na ang ilang mountaineers nang madatnan ng mga rescuers dahil sa pag-atake ng mga bubuyog. Puno ng sting ng mga bubuyog ang mga braso, leeg, likod at hita ng mga mountaineers.
Sinabi ni Dante Malimban, kapitan ng Barangay Alas-asim, Mariveles Bataan, una nilang nailigtas ang limang mountaineers, kung saan isa sa kanila ang nadale nang husto ng pag-atake ng mga bubuyog na nagresulta sa pagsusuka at matinding pananakit ng tiyan nito, habang ang 13 iba pang mountaineers ay nasagip.
Ayon sa kapitan, may ibang mountaineers na nakababa na mula sa bundok ang nagsabi sa kanila na may mga narinig silang sumisigaw at humihingi ng tulong subali't hindi na nila mapuntahan dahil malayo sila sa lugar ng mga biktima.
Agad namang nilapatan ng paunang lunas ang mga mountaineers na nasa maayos na kondisyon na ngayon.