top of page
Search

ni Lolet Abania | August 7, 2021



Isasailalim ang Bataan sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) classification simula sa Linggo, Agosto 8.


Sa isang pahayag ngayong Sabado ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim na ang Bataan sa ECQ mula bukas hanggang sa Linggo, Agosto 22.


Inilagay ang naturang probinsiya sa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Agosto 15 subalit pinalitan ito at isasailalim sa ECQ.


Una nang inianunsiyo ni Governor Abet Garcia na ang Bataan ay isasailalim sa ECQ dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases.


Nitong Agosto 6, nakapagtala ang Bataan ng 14,643 kumpirmadong kaso at sa bilang na ito, 1,974 ang active, 12,135 ang nakarekober habang 534 ang nasawi dahil sa COVID-19.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 31, 2021



Isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Hermosa, Bataan dahil sa matinding pagbaha na dulot ng Southwest Monsoon rains o Habagat.


Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Hermosa, nilagdaan ni Mayor Jopet Inton ang Resolution No. 106-2021 na nagsasaad ng pagsasailalim sa bayan sa state of calamity noong July 29.


Patuloy na nagsasagawa ng rescue and relief operations ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa mga apektadong lugar kabilang na ang Barangay Cataning, Almacen, A. Rivera, Culis, at Palihan.


Sa ilalim ng state of calamity, magpapatupad ng price ceiling sa mga pangunahing pangangailangan. Magsasagawa rin ng monitoring, prevention and control ang Local Price Coordination Council upang maiwasan ang overpricing/profiteering at hoarding sa mga pangunahing pangangailangan katulad ng mga gamot.

 
 

ni Lolet Abania | May 27, 2021



Dalawang kawani ang patay habang dalawa naman ang sugatan matapos ang pagsabog na naganap sa isang primer composition mixing facility ng Explosives Division ng Department of National Defense (DND)-Government Arsenal (GA) sa Limay, Bataan nitong Miyerkules.


Kinilala ni GA Director Arnel Rafael Depakakibo ang mga nasawi na sina Ricardo Solomon, 40, at Marvin Tatel, 38.


Ang dalawa namang nasugatan na duty din nang oras na iyon ay sina Macreldo Rodriguez, 57, at Allan Wisco, 36.


Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pagsabog habang inihahanda ng mga biktima ang priming composition para sa mga bala ng caliber .45.


Ayon kay Depakakibo, nagsasagawa na ang GA ng hiwalay na imbestigasyon sa naging sanhi ng pagsabog, at isusumite nila ang buong report sa DND.


“Meanwhile, we are looking after the welfare of the families of the victims and ensuring that the two other affected personnel are receiving the appropriate medical attention,” ani Depakakibo.


Iniutos na rin ni Police Regional Office 3 director Police Brigadier General Valeriano na magsagawa ng hiwalay na pagsisiyasat sa naging dahilan at pinagmulan ng pagsabog.


Ayon naman sa Bataan Provincial Police Office director na si Police Colonel Joel Tampi, bandang alas-10:45 ng umaga kahapon nang makarinig sila ng pagsabog sa Bldg. 27 ng DND Government Arsenal.


Isang bahagi ng gusali at iba pang mga makina ang napinsala dahil sa pagsabog.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page