ni GA / VA - @Sports | April 21, 2022
Ipagdiriwang ni dating juniors Mythical Team member Yukien Andrada ang kanyang kaarawan na may malaking regalo kasunod ng pagpapanatili ng undefeated winning streak ng San Beda Red Lions laban sa University of Perpetual Help Altas sa 78-71, at lumapit sa tsansa ng twice-to-beat semis berth, kahapon sa 97th NCAA men's basketball tournament “Stronger Together, Buo ang Puso", sa La Salle Greenhills St. Benilde Gym, Mandaluyong City.
Bumanat ng career-high 15pts si Andrada kasama ang 4 rebounds upang maging malaking bagay para sa Red Lions na magapi ang masigasig na Altas na sumubok na maghabol sa huling sandali ng 4th period.
Ibinuslo ni Peter Alfaro ang mahalagang alley-oop pass mula kay Andrada sa 1:24 upang pigilan ang pagbabanta ng Altas na makalapit pa sa laro. Patuloy na nagbida para sa Red Lions si James Kwekuteye sa 18pts, habang may tig-9pts sina Rhayyan Amsali at Alfaro na kinakailangan na lang ng isang panalo upang masiguro ang semis berth.
“Ginawa ko lang 'yung best ko kase sabi ni coach, limited minutes kaya kailangan mag-contribute ka pa rin lalong-lalo na 'yung bench namin. Play most of my minutes and do my best sa court,” wika ng 6-foot-5 na si Andrada na magdiriwang ng ika-21 kaarawan.
“Lagi namang sinasabi sa amin ni Coach Boyet, especially na if our starters don’t play good in the first quarter, kailangan talaga pagpasok nu'ng sunod na lima, kailangang maka-convert agad sa depensa at do your best talaga,” dagdag niya.
Bumanat ng mainit na 15-0 blast ang Letran Knights upang tuhugin ang Emilio Aguinaldo College Generals sa pamamagitan ng 83-62 sa ikalawang laro upang patuloy na maging undefeated kasama ang San Beda sa tuktok ng team standings.
Bumitaw ng mahahalagang three-point baskets si guard Fran Yu para paamuhin ang EAC Generals sa pagtatangka nitong makahabol sa laro. Umiskor ng kabuuang 11 puntos si Yu, na pinangunahan nina Brent Paraiso at Kurt Reyson sa tig-15 points, katulong si Rhenz Abando sa 14pts.