ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 26, 2024
Photo: Coach Tim Cone - FIBA Asia Cup
Matapos umani ng dalawang malaking tagumpay sa 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers sa harap ng mga kababayan sa MOA Arena nitong nakaraang linggo, nakatingin si Gilas Pilipinas Coach Tim Cone sa mas malaking larawan.
Tinalo ng mga Pinoy ang Aotearoa New Zealand, 93-89, noong Huwebes at sinundan ng Hong Kong noong Linggo, 93-54. Sa gitna ng mga sigaw sa palaruan na ipasok ang paboritong si Dwight Ramos, hindi na nagsugal si Coach Cone at may pilay itong nakuha sa panalo sa Tall Blacks.
Binigyan rin ng mas maraming minuto ang mga kabataan na sina Kevin Quiambao at Mason Amos na hindi ipinasok laban noong huling laro. Isang dapat tutukan ang kanilang depensa laban sa three-points.
Nagpasok ng 18 ang New Zealand habang 10 ang Hong Kong. Malaki rin ang inaasahan kay Quiambao, Amos at Carl Tamayo na bumomba ng 16 laban sa Hong Kong matapos malimitahan sa dalawang puntos sa New Zealand.
Ang tatlo ang napipisil na kinabukasan ng pambansang koponan at malaking bentahe ang kakayahan nila maglaro ng halos lahat ng puwesto.
Mahalaga na masanay ang lahat sa sistema. Sa simula ng ensayo nila sa Inspire Sports Academy medyo kumapa ang lahat kahit ilang buwan ang nakalipas mula 2024 Olympic Qualifiers subalit nabalik din ang talas.
Sina Justin Brownlee pa rin ang nagdala ng koponan kahit hindi naglaro sa huling quarter kontra Hong Kong. Mataas din ang inangat ng laro ni Kai Sotto na naka-dalawang double-double.
Susuriin muli kung magdadagdag ng manlalaro sa listahan sa gitna ng mga pilay kay Ramos, Jamie Malonzo at Calvin Oftana. Mas pabor si Coach Cone sa kasalukuyang 15 dahil mas madali magturo sa gitna ng maikling panahon upang mag-ensayo.
Lalakbay ang Gilas para sa pangatlo at huling qualifier sa Pebrero para harapin ang New Zealand and Chinese-Taipei sa kanilang mga bansa. Ang FIBA Asia Cup ay tatakbo mula August 5 hanggang 17, 2025 sa Jeddah.