ni Anthony E. Servinio @Sports | June 24, 2023
Hindi binigo ng San Antonio Spurs ang kanilang mga tagahanga at agad pinili si sentro Victor Wembanyama na numero uno sa 2023 NBA Draft kahapon sa Barclays Center. Nagrehistro ng sorpresa ang Charlotte Hornets sa pagkuha kay forward Brandon Miller na pangalawa kaya agad napunta sa Portland Trail Blazers si point guard Scoot Henderson.
Walang duda ang kalidad ng 7’4” at 19 anyos na si Wembanyama na naglaro para sa Metropolitans 92 sa French League. Ngayon pa lang ay inihahambing na siya sa mga alamat na higante ng NBA bunga ng taglay niyang kilos at liksi na bihira sa mga matatangkad.
Hinihintay tawagin ang pangalan ni Henderson subalit iba ang ibinigkas ni Commissioner Adam Silver. Ilang oras bago ang seremonya ay hati pa rin ang mga dalubhasa kung sino sa dalawa ang mauunang kunin matapos kay Wembanyama.
Sabay nagdiwang sina Amen Thompson at Ausar Thompson nang magkasunod silang kinuha ng Houston Rockets at Detroit Pistons sa #4 at #5, ang unang kambal na nakuha hindi lang sa Top 10 kundi sa Top Five. Sisikapin na ng mag-utol na ibangon ang kanilang mga bagong koponan na parehong nagtapos sa pinakailalim ng Western at Eastern Conference.
Pang-anim si guwardiya Anthony Black na napunta sa Orlando Magic. Ika-pito si Bilal Coulibaly na kakampi ni Wembanyama sa Metropolitans 92 subalit hindi nagtagal ay ipinadala siya ng Indiana Pacers sa Washington Wizard kapalit ni #8 Jarace Walker.
Hindi nagpahuli ang Boston Celtics at kinuha nila mula sa Wizards si Kristaps Porzingis. Kasama sa transaksyon ay ang paglipat nina Marcus Smart ng Celtics sa Memphis Grizzlies at Tyus Jones ng Grizzlies sa Wizards.