ni Anthony E. Servinio @Sports | June 30, 2023
Mga laro ngayong Biyernes – Hagonoy Sports Complex, Taguig
4 p.m. Kapampangan vs. Biñan
6 p.m. Taguig vs. Santa Rosa
Dalawang koponang todo-ganado ang magsasalpukan ngayong Biyernes sa pagpapatuloy ng 2023 National Basketball League (NBL) President’s Cup sa Hagonoy Sports Complex sa Taguig City. Sasalubungin ng Taguig Generals ang mga bisitang Santa Rosa Lions sa tampok na laro simula 6 p.m. at pareho silang naghahanap ng ikalawang sunod na panalo.
Galing ang Generals sa mahigpitang 104-99 tagumpay sa DF Bulacan Stars habang pinatid ng Lions ang kapit-bahay na Tatak Gel Binan, 86-79, na parehong ginanap noong Linggo sa Santa Rosa Multi-Purpose Complex. Mag-uunahan ang dalawa na maging unang koponan na magkaroon ng dalawang panalo at hawakan ang maagang liderato ng liga.
Ipinamalas ng Generals ang porma na naghatid sa lungsod ng 2022 Chairman’s Cup at gumana ang mga maaasahang sina Dan Anthony Natividad, Edzel Galoy, Mike Jefferson Sampurna at Jonathan Lontoc. Malaking hamon ang manalo sa tahanan ng kalaro kaya mahalaga na matalas pa rin sina kapitan Jeff Disquitado, Gio Calacalsada, Jazzel Oliver Cardeno at 2019 MVP Shinichi Manacsa.
Sa unang laro, susubukan ng Biñan na bumawi sa pagkabigo sa Lions sa pagharap nila sa bagong koponan KBA Luid Kapampangan. Ang Luid ay kasapi rin ng NBL Youth at kinuha nila ang pagkakataon upang maiakyat sa pro league ang ilan sa kanilang mga manlalaro at piling beterano.
Ang tambalan nina Lhancer Angelo Khan at Bench de Jesus na parehong naglaro para sa kampeonato ng 2023 NBL Youth Under-21 noong Abril. Kumuha ang koponan ng mga may karanasan na sa kolehiyo at ibang liga sa lalawigan gaya nina Jerico Isidro, Cyrus Antiza, Mark Adrian Mallari, Mark Emmanuel Tungcul, Javine Serrano, Frank Oliver Yco at Christian Laurent Garcia.