ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 25, 2024
Photo: Kai Sotto, Brownlee at Fajardo ng GIlas Pilipinas - FIBA Asia Cup
Pupunta na ng Saudi Arabia ang Gilas Pilipinas para sa 2025 FIBA Asia Cup matapos nilang iligpit ng bisitang Hong Kong, 93-54, sa pagtatapos ng pangalawang window ng qualifiers Linggo ng gabi sa MOA Arena. Tiyak na ang mga Pinoy na nag-iisa sa tuktok ng Grupo B na may malinis na kartadang 4-0.
Nakasabay ang wala pang panalong Hong Kong sa unang limang minuto at hinawakan ang 10-9 lamang hanggang ibinura ng Gilas ang agam-agam ng kanilang mga tagahanga.
Bumira ng 13 magkasunod na puntos sina Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Kai Sotto, Chris Newsome at ang bagong-pasok Kevin Quiambao para maging 22-9. Saglit nabuhayan ang Hong Kong at ipinasok ang unang pitong puntos ng pangalawang quarter at magbanta, 25-27, subalit nakahinga ang Gilas sa 14 na walang sagot na puntos nina Carl Tamayo, CJ Perez, Fajardo at Newsome para sa mas komportableng 41-25 agwat. Inihatid nina Tamayo, Quiambao at Mason Amos ang mga puntos upang matamasa ang pinakamalaking lamang na siya rin ang huling talaan.
Kinuha ni Coach Tim Cone ang pagkakataon na bigyan ng mas maraming minuto ang mga hindi masyadong ginamit sa 93-89 panalo sa Aotearoa New Zealand noong Biyernes sa parehong palaruan.
Nanguna sa Gilas si Tamayo na may 16 puntos bilang reserba. Sumunod na may 14 si Fajardio at 13 si Brownlee kahit hindi na siya pinasok sa huling quarter.
Double-double sa pangalawang sunod na laro si Sotto na 12 at 15 rebound at humabol sa 10 si Perez. Kumuha ng opensa ang Hong Kong mula kay Leung Shiu Wah na may 11 at Oliver Xu na may 10.
Lalakbay ang Gilas para sa pangatlo at huling qualifier sa Pebrero para harapin ang New Zealand and Chinese-Taipei. Ang FIBA Asia Cup ay gaganapin mula August 5 hanggang 17, 2025 sa Jeddah.