ni Anthony E. Servinio @Sports | August 21, 2024

Laro ngayong Huwebes – Kigali Arena
Pilipinas vs. Senegal
Nahirapan ng todo ang World #8 Brazil bago maipiga ang 77-74 panalo kontra sa #40 Gilas Pilipinas, sa pagbubukas ng 2026 FIBA Women’s World Cup Pre-Qualifying Tournament Grupo C Lunes ng gabi mula sa Kigali Arena ng Rwanda.
Galing sa timeout at tabla sa 74-74, napunta ang bola sa libreng si Khate Castillo subalit nagmintis ang 3-points na may 9 na segundo sa orasan. Napilitang bigyan ni Afril Bernardino ng foul si Caca Martins na may 1.8 segundong nalalabi at ipinasok niya ang dalawang free throw para sa huling talaan.
Bago noon, itinabla ni Bernardino ang laro sa 74-74 at 1:21 sa orasan. Nagbukas ang pinto para sa Gilas at isang free throw lang ang naipasok ni Aline Mouras, 75-74 at tumawag ng timeout si Coach Patrick Aquino para sa huling 20 segundo.
Nanguna sa Brazil si 6’2” sentro Leticia Soares na may 15 puntos kahit hindi naglaro sa huling 1:30 matapos patawan ng ika-5 at huling foul at lamang ang Brazil, 74-73. Nasayang ang double-double ni Jack Danielle Animam na 18 puntos at 21 rebound. Nag-ambag ng 14 si Bernardino.
Tinatapos kagabi ang laro ng Gilas at World #16 Hungary. Ginulat ng #25 Senegal ang mga Hungarian, 63-61, upang makibahagi sa maagang liderato kasama ang Brazil.
Sa mga laro sa Grupo D, wagi ang host Rwanda sa Lebanon, 80-62 at Argentina kontra Gran Britanya, 53-47. Ang dalawang may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ang tutuloy sa knockout crossover semifinals sa Sabado at finals sa Linggo.
Haharapin ng mga Pinay ang Senegal sa Huwebes para sa huling laro simula 5 p.m., oras sa Pilipinas. Tanging ang kampeon ng torneo ang tutuloy sa qualifying para sa World Cup na gaganapin sa Berlin, Alemanya mula Set. 4 hanggang 13, 2026.