ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 14, 2025
Photo: Northport Batang Pier - Kadeem Jack - PBA PH
Laro ngayon – N. Aquino
5 PM Meralco vs. NorthPort
7:30 PM Converge vs. Rain Or Shine
Isang panalo na lang ang kailangan ng numero unong NorthPort upang makamit ang pinakaunang siguradong upuan sa 2024-25 PBA Commissioner’s Cup quarterfinals. Haharapin ngayong Martes sa Ninoy Aquino Stadium ng Batang Pier (7-1) ang Meralco Bolts (5-3) na nais pagbutihin din ang pag-asa sa susunod na yugto ng torneo simula 5 ng hapon.
Ipaparada muli ng NorthPort si import Kadeem Jack na nagtala ng 30.5 puntos sa 8 laro at ang numero unong Pinoy sa puntusan na si Arvin Tolentino (25.3) at ika-lima si Joshua Munzon (19.9). Dahil sa kanila, numero uno sa opensa ang Batang Pier na 111.3.
Oras na magwagi ng pang-walo ang NorthPort ay hindi na sila mapapantayan ng mga koponan na nasa pang-9 hanggang 13 na NLEX (3-5), Phoenix (3-5), Magnolia (3-6), Blackwater (1-7) at Terrafirma (0-9). Galing ang Batang Pier sa dalawang tagumpay sa mga bigating HK Eastern (120-113) at Barangay Ginebra (119-116).
Bumabalik na ang porma ng laro ni Meralco import Akil Mitchell matapos mabasag ang ilong noong ikalawang laro laban sa Painters noong Disyembre 1. Mahalaga na mabuo ang Bolts at malusog ang koponan at pinatunayan ito sa 105-91 panalo sa NLEX noong Biyernes kung saan 6 na magkakampi ang nagsumite ng 10 puntos o higit pa.
Sa pangalawang laro, parehong layunin ng Converge FiberXers (6-3) at ROS (5-2) na manatili ang hahabuling agwat sa Batang Pier sa kanilang mahalagang salpukan.
Tiyak na aabangan ang bantayan ng mga malalaking sina Cheick Diallo at Justin Arana laban kay Deon Thompson at Leonard Santillan. Hindi magpapahuli ang mga gwardiya na sina Jordan Heading, Alec Stockton at Deschon Winston kontra kay Jhonard Clarito, Adrian Nocum at Andrei Caracut.