ni Rey Joble @Sports News | September 16, 2024
Ito ang gabi na hinihintay ni Marcio Lassiter, ang bagong three-point king ng PBA. Lumikha ng kasaysayan ang beteranong forward ng San Miguel Beer kung saan nalagpasan niya ang retiradong guwardya na si Jimmy Alapag sa all-time list ng pinakamaraming three-point shots.
Narehistro ni Lassiter ang kanyang ikatlong three-point shot sa laban, dahilan para maungusan si Alapag. Sa kasalukuyan, mayroon nang 1,254 three-point shots si Lassiter, mas marami na ng dalawa sa 1,250 ni Alapag. Ilan sa mga players na kasama sa top five ng PBA all-time three-point shots list ay sina Alan Caidic (1,242), LA Tenorio (1,225), at James Yap (1,178).
Dahil sa kumbinsidong panalo ng San Miguel, umakyat ang Beermen sa solo liderato ng Group B na may 6-2 win-loss record habang nalasap ng Gin Kings ang pangatlong talo sa walong laro. Para sa bagong three-point king, espesyal ang karangalang ito. “It’s great. There’s a lot of pressure at first, but I’m glad it’s finally over,” ang sabi ni Lassiter.
“I just want to thank God for putting me in this position and I just couldn’t thank enough the coaches and teammates for putting me in this position.” Pero hindi lang ang three-point shots na naitala ni Lassiter ang nagsilbing bagong record nitong Linggo ng gabi.
Record rin ang naiposte ng San Miguel sa kanilang 131-82 panalo kontra Ginebra at ito ang pinakamalaking tambak (49) na panalo ng Beermen sa kasaysayan ng kanilang prankisa sa PBA. Ito naman ang pinakamasagwang talong nalasap ng Ginebra simula ng sumali sa liga noong 1979 habang ang 49 namang kalamangan ang pinakamalaking talo sa buong karera ni Tim Cone bilang coach.