ni Rey Joble @Sports News | Sep. 20, 2024
Nagawan na rin ng solusyon ng Rain or Shine ang malaking problema kontra kina eight-time Most Valuable Player June Mar Fajardo at San Miguel Beermen matapos mailusot ng E-Painters ang impresibong 122-112 panalo sa PBA Governors’ Cup nitong Huwebes ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Anim na players ang nagtala ng double figures para sa Elasto Painters sa pangunguna ni Andrei Caracut. Kinapos lang ng dalawang assists si Caracut sa pagkumpleto ng double-double game pero tumapos siya ng 20 puntos at 8 assists para pamunuan ang isa na namang balanseng opensiba ng Elasto Painters.
Double-double naman ang ipinoste ni import Aaron Fuller na may 17 puntos at 11 rebounds habang todo kayod rin si Beau Belga sa kanyang kontribusyon na 16 na puntos, kasing dami ng naiambag ni Adrian Nocum.
May 12 namang naitala si Gian Mamuyac habang 10 ang naidagdag ng beteranong si Gabe Norwood, ang playing assistant coach ng Elasto Painters. Sa limitadong oras, solido rin ang mga numero ng rookie na si Felix Pangilinan-Lemetti na may walong puntos, kabilang ang dalawang three-point shot, habang may naikubra rin siyang limang rebounds at apat na assists.
Bukod sa paghanap ng solusyon para talunin ang Beermen, napatibay din ng Elasto Painters ang kanilang tsansa na umusad sa playoffs, tangan ang No.1 seed.
Kasalukuyang nasa solo liderato ang Rain or Shine sa Pool B na may 7-2 record pero mas magiging garantisado ang pag-okupa sa numero unong puwesto kung maipapanalo nila ang kanilang laban kontra Blackwater sa huling laro ng elimination round sa Lunes sa Ninoy Aquino Stadium.
“Mabigat si June Mar, mabigat na trabaho yun para kina Beau, kina Aaron. Kailangan mong babaan ang efficiency ni June Mar. Masyado kasing mataas 'yung efficiency niya.
Whenever he catches around the lane, he’s around 70%, so if he’s not touching the ball in that area, we tried to deny him touching the ball and if he ever touched the ball, we want him to touch the ball farther away from the basket,” ang sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao.