ni Rey Joble @Sports News | Sep. 27, 2024
Matapos ang 16 seasons sa NBA, pinal nang tinapos ni veteran point guard Derrick Rose ang kanyang career. Si Rose, na nakontrata pa ng Memphis Grizzlies noong Sept. 24 ay inanunsiyo ang pagreretiro kahapon sa kanyang Instagram.
Iniulat ng SNY na matapos na makausap ng Grizzlies ay nagbago ng isip bagamat orihinal nang nakatakda ang $3.4M na kontrata para sa 2024-25 season bilang final year sa Memphis. Sinimulan ni Rose ang career bilang no. 1 pick sa 2008 NBA draft ng Chicago Bulls.
Mabilis siyang sumikat at humusay bilang isa sa most exciting players sa liga, naging 2009 Rookie of the Year at naka-tatlong straight All-Star selections ng 2010-2012. Noong 2011, si Rose ay naging pinakabatang player sa NBA history na nagkamit ng NBA MVP award matapos pamunuan ang Bulls sa league-best 62-20 record sa average na 25.0 points, 4.1 rebounds at 7.1 assists sa 81 laro.
Pero matapos ang isang taon ay dumanas siya ng torn ACL injury. Hindi na nagbalik ang dating galing sa laro ni Rose nang muli itong maglaro, hindi na makapuntos ng higit sa 20 dahil sa knee injury. Matapos lisanin ang Chicago, naglaro siya sa New York Knicks, Cleveland Cavaliers, Minnesota Timberwolves at Detroit Pistons.
Sa unang taon niya sa Memphis, iniinda pa rin ni Rose ang injury at nadagdagan pa ng pinsala sa hamstring. Sa kabuuan nalimitahan siya sa 24 laro at may average na lang na 8.0 points, 1.9 rebounds at 3.3 assists sa loob ng 16.6 minuto na aksiyon.