ni Anthony E. Servinio @Sports | Oct. 9, 2024
Photo: Utah Jazz
May plano ba na bawiin ni Gilas Pilipinas player Jordan Clarkson ang Sixth Man of the Year na napagwagian niya noong 2021? Naglaro muli siya bilang reserba sa 122-113 na panalo ng kanyang Utah Jazz laban kay kabayan Jalen Green ng Houston Rockets kahapon sa pagpapatuloy ng 2024 NBA Preseason sa Delta Center.
Nagbantayan ang dalawang bituin hanggang pangatlong quarter na nagwakas pabor sa Utah, 88-84. Hindi na sila ginamit sa huling quarter at pinaubaya ito sa mga rookie at mga beteranong nagbabakasakaling makakuha ang trabaho ngayong taon.
Nanguna sa Jazz si All-Star Lauri Markkanen na may 17 puntos at sinundan ni Clarkson na may 14 sa loob ng 18 minuto lang. Nagtala si Green ng 21 para sa Rockets mula sa apat na tres sa 20 minuto.
Perpekto pa rin ang Utah ngayong preseason kasama ang 116-87 tambakan sa New Zealand Breakers ng NBL-Australia noong Sabado habang ito ang unang sabak ng Houston. Parehong hindi nakapasok ang Jazz (31-51) at Rockets (41-41) sa playoffs noong nakaraang torneo.
Patuloy ang lakbay ng Breakers at ibinaon sila ng Philadelphia 76ers, 139-84. Apat na 76ers ang nagsumite ng tig-15 na sina Tyrese Maxey, Reggie Jackson, Jared McCain at Guerschon Yabusele na nakakuha ng kontrata matapos ang mahusay na inilaro para makuha ng Pransiya ang pilak sa Paris 2024 Olympics.
Isa pang ginamit na daan ang Olympics papuntang NBA si gwardiya Yuki Kawamura ng Japan na nag-ambag ng anim sa 121-116 tagumpay ng Memphis Grizzlies sa kulang na Dallas Mavericks. Nanguna sa Memphis si Brandon Clarke na may 17 habang lumiban sa Mavs sina Luka Doncic, Kyrie Irving at ang bagong kakamping si Klay Thompson.