ni Rey Joble @Sports | Oct. 12, 2024
Photo: PBA PH
Hindi pa handa si Terrence Romeo na ibigay ang trono kay Rhon Jay Abarrientos bilang isa sa pinakamagaling na point guards sa Philippine Basketball Association. Nagtala ng 26 puntos si Romeo, dating scoring champion ng liga, kabilang na rito ang siyam na puntos sa overtime at pangunahan ang San Miguel Beer sa 131-125 panalo kontra Ginebra sa Game 2 ng PBA Governors’ Cup best-of-seven semifinals series sa Smart Araneta Coliseum nitong Biyernes ng gabi.
Dalawa sa mga importanteng ipinukol ni Romeo ay ang kanyang three-point shot na sinundan pa ng four-point basket na siyang nagtulak para sa Beermen na maitabla ang serye. Hangad ng Beermen na muling makasungkit ng panalo at tuluyang umabante sa serye sa Linggo na gaganapin sa Dasmarinas, Cavite.
“Stay ready lang ako,” ang sabi ni Romeo. “May experience na rin naman ako so alam ko yung pakiramdam ng playoffs, ng semis. Alam ko yung pakiramdam kung paano mag-perform. Hindi naman nagbabago yung hardwork ko. Kaya hindi rin bumababa yung kumpiyansa ko sa mga ganung moments.”
Natabunan ng magandang laro ni Romeo ang matamlay na ipinakita ni Abarrientos na may naiambag lamang na apat na puntos para sa Ginebra. Bukod kay Romeo, todo kayod rin si EJ Anosike na may ibinuhos na 35 puntos habang 26 puntos naman ang naidagdag ni CJ Perez.
The Scores (OT): SAN MIGUEL 131 – Anosike 35, Perez 28, Romeo 26, Fajardo 23, Lassiter 12, Cruz 5, Tautuaa 2, Ross 0, Rosales 0, Trollano 0, Enciso 0, Manuel 0 GINEBRA 125 – Brownlee 39, J.Aguilar 29, Thompson 16, Ahanmisi 15, Holt 14, Abarrientos 4, Tenorio 3, Cu 2, Devance 2, Pinto 1, Pessumal 0, Adamos 0 QUARTERS : 22-24, 51-47, 85-76, 110-110, 131-125