ni Anthony E. Servinio @Sports | Mar. 28, 2025
Photo: Double-double si Best Import RHJ na 25 puntos at 12 rebound. Sinimento ni Rey Nambatac ang karangalan na Finals MVP sa kanyang 22 mula sa apat na tres. first photo via PBA.PH / Reymundo Nillama
Hanggang sa huli ay walang katiyakan ang resulta subalit nanaig ang puso ng TNT Tropang Giga kontra Barangay Ginebra para makamit ang 2024-25 PBA Commissioner's Cup sa overtime, 87-83, sa siksikang Araneta Coliseum.
Sa harap ng 21,274 tagahanga ay tinapos ang seryeng best-of-seven, 4-3. Ipinasok ni Justin Brownlee ang tres upang ipilit ang karagdagang limang minuto, 79-79, at 16 segundo sa orasan.
Nagmintis si Rondae Hollis-Jefferson at may pagkakataon si Jamie Malonzo subalit sumablay ang kanyang bato mula four-points. Isang mas determinadong TNT ang nagpakita para sa overtime at nagsama ang napiling Finals MVP Rey Nambatac, Poy Erram at Glenn Khobuntin para umarangkada agad, 85-79.
Hindi basta tumiklop ang Ginebra at pumalag sa likod nina Japeth Aguilar at Jamie Malonzo, 81-85, subalit walang nakapigil sa koronasyon ng TNT upang sundan ang kanilang kampeonato sa Governors’ Cup.
Nagtira ng lakas para sa huling sipa at bumanat ng magkasunod na three-points sina Calvin Oftana at Khobuntin para maging 75-72 at apat na minuto ang nalalabi. Humigpit ang depensa hanggang naka-buslo si RJ Abarrientos para magbanta, 74-75, papasok sa huling minuto subalit sinagot ito agad ni Khobuntin at 47 segundo sa orasan, 77-74.
Double-double si Best Import RHJ na 25 puntos at 12 rebound. Sinimento ni Rey Nambatac ang karangalan na Finals MVP sa kanyang 22 mula sa apat na tres.
Nanguna sa Gin Kings si Brownlee na may 28 at 10 rebound subalit hindi niya naipasok ang four-points na magtatakda sana ng pangalawang overtime. Nag-ambag ng 15 at 11 rebound si Japeth Aguilar habang 13 si Scottie Thompson.
Dala ng kanilang 87-83 panalo sa Game Six noong Miyerkules, maganda ang simula ng TNT at ipinasok ang unang anim na puntos.
Sabay uminit ang shooting nina Nambatac at RHJ para kunin ng Tropang Giga ang unang half, 40-35, sa malakas na dunk ni RHJ.
Nagising ang Gin Kings at bumomba ng siyam si Brownlee sa pangatlong quarter at pumabor ang takbo sa Ginebra, 62-60. Iyan na ang senyales para sa malupit na katapusan.
Sa Abril 5 nakatakda ang pagbubukas ng Philippine Cup, ang pangatlo at huling torneo para sa Season 49, at sisikapin ng TNT na mabuo ang bihirang Grand Slam. Isa sa aabangan din ay ang ika-50 kaarawan ng PBA sa Abril 9.