ni Mylene Alfonso @News | Jan. 30, 2025
File Photo: PBBM - BARMM - PCO
Kinumpirma ng Malacañang na sinertipikahang urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang panukalang nagpapaliban ng kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections na nakatakda sa Oktubre 2025.
Ito ay kasunod ng naging pahayag ni Senate President Francis 'Chiz' Escudero na sinertipikahang urgent ng Pangulo ang naturang panukala.
“This is confirmed,” wika ni Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez.
Ayon kay Chavez, lumiham ang Pangulo kay Escudero na sertipikahang urgent ang Senate Bill No. 2942 o "An Act Resetting the First Regular Elections in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Amending for the Purpose Article XVI, Section 13 of Republic Act No. 11054, Otherwise known as the Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, as amended".
Sinabi rin ni Escudero na target na maipasa ng Senado ang panukalang batas sa ikatlong pagbasa sa susunod na linggo.