ni Madel Moratillo | June 29, 2023
Dalawang taon lamang magsisilbi ang mga mananalo sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.
Salig na rin ito sa nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang unconstitutional ang Republic Act 11935 na nagpaliban sa halalan noong December 5, 2022. Matatandaan na ang pagpapaliban ng halalan ay para makatipid ang gobyerno sa
gitna na rin ng pandemya.
Ayon sa SC, para maiwasan ang kalituhan, ang susunod na BSKE ay gagawin sa unang Lunes ng December 2025 at kada 3 taon pagkatapos nito.
Ayon kay Commission on Elections Chairman George Garcia, dahil dito mas maiksi ang magiging termino ng mga mananalo sa 2023 BSKE.
Tiniyak naman ng opisyal na walang epekto ang SC decision sa gagawing halalan sa Oktubre.
Nasa 95% na aniya silang handa para sa BSKE. Itinakda ang paghahain ng kandidatura para rito sa Agosto 28 hanggang Setyembre 2.