ni Mary Gutierrez Almirañez | June 4, 2021
Huli sa akto ang lalaking nagtangkang ilibing ang fetus sa isang bakanteng lote sa Barangay Greater Lagro, Quezon City kagabi, June 3.
Ayon sa ulat, rumoronda ang Task Force Disiplina (TFD) sa lugar nang mamataan nila ang lalaking nakasakay sa motorsiklo na may itinapon kung saan. Nang lapitan at siyasatin nila ang itinapon nito ay nakita sa loob ng plastik ang mga telang puro dugo at nasa ilalim nu’n ang 6 hanggang 7 buwang fetus.
"Actually, ready na niyang ilibing ‘yung bata, may hukay na po,” sabi pa ni Pritz Archie Salibio, miyembro ng Task Force Disiplina.
Kaagad namang tumawag ng pulis ang TFD upang arestuhin ang suspek na taga-North Caloocan.
Inamin din nito na nagpalaglag ang 14-anyos na anak-anakan kahapon at iginiit na hindi nito alam kung saan ililibing ang fetus kaya naghanap ng tagong lugar hanggang napadpad sa Quezon City.
Paliwanag pa ng suspek, “Sir, iyon lang po ang tanging solusyon. Naisip ko, Sir. Natakot po kami. Nag-aalangan ako sa mama niya kasi nasa ibang bansa, tapos bata pa ‘yun, masisira ang kinabukasan.”
Lumabas sa imbestigasyon na mismong suspek ang nakabuntis sa anak-anakan.
Sa ngayon ay na-turn over na ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa Caloocan Police District (CPD) upang doon harapin ang kasong intentional abortion na planong isampa ng nabuntis na menor-de-edad.