top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | October 12, 2021



Nagbigay ng panuntunan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para muling makabalik sa operasyon ang social media platform na Lyka.


Ayon sa BSP, hindi rehistrado ang Lyka bilang Operator of Payment (OPS) at kailangan munang magparehistro sa kanila sa ilalim ng National Payment Systems Act (Republic Act No. 11127).


Anila, imbes na ang marketing arm nito na Digital Spring Marketing and Advertising Inc., kailangang mismong Lyka ang magpa-register.


Dagdag pa ng BSP, pinaninindigan nila ang cease and desist order na kanilang ipinalabas laban sa Digital Spring noon pang Hulyo 23, 2021 na dapat mismo ang Lyka/TIL at hindi Digital Spring ang magrehistro bilang OPS sa BSP.


Kapag nakapagrehistro na raw ang Lyka ay maaari na nilang tanggalin ang effectivity ng CDO.


Matatandaang sumikat ang Lyka na isang social media application kung saan puwedeng makakuha ng ‘gems’ sa simpleng pagpo-post at ang mga ‘gems’ na makokolekta rito ay maaari nang gamitin para ipambili ng kagamitan o serbisyo sa mga partner establishment ng social media platform.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 11, 2021



Nakatakdang ilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang QR Ph Person-to-Merchant (P2M) digital payment stream bukas, Oktubre 12, 2021.


Ang National QR Code Standard o QR Ph ay nagbibigay ng alternatibong paraan ng pagbabayad para sa mga maliliit o pangmaramihang transaksyon.


Sa pamamagitan ng QR Ph P2M, puwede nang makamit ng maliliit na negosyante ang mahusay at maginhawang transaksiyon sa pamamagitan ng QR technology.


“QR PH P2M is expected to bring broad and wide ranging-benefits to both consumers and businesses by providing Filipinos with a convenient and safe alternative to the traditional payment methods that use cash and coins”, ani BSP Governor Benjamin E. Diokno sa Facebook account ng Bangko Sentral ng Pilipinas.


Sa tulong ng QR Ph Payment-to-Merchant (P2M), ang mga tricycle drivers, tindero/tindera sa palengke, mga may-ari ng sari-sari store at iba pang maliliit na negosyo ay mararanasan na ang mga benepisyo ng QR Technology.


Magbibigay ito ng madali at murang paraan ng pagbabayad para sa mga maliliit o pangmaramihang transaksiyon.


Hindi na magiging problema ang panukli dahil puwede nang magbayad ang customer ng eksaktong halaga.


Para sa iba pang detalye, panoorin ang paglulunsad ng QR Ph P2M bukas, Oktubre 12, 3:30PM sa Facebook account ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | October 2, 2021



Sinalakay ng National Bureau of Investigation, Bangko Sentral ng Pilipinas, at Bureau of Customs ang isang warehouse sa Quezon City dahil sa mga nakaimbak na barya na aabot sa Php 50 million.


Bukod sa milyon-milyong barya, natagpuan din sa warehouse ang ilang luxury sports car na pawang wala umanong mga dokumento.


Hindi pa matukoy kung bakit nakaimbak ang pera roon pero money laundering umano ang isa sa mga tinitignang anggulo ng awtoridad.


“Kasi kapag ganito karaming barya, usually galing sa illegal gambling,” ani Joel Pinawin, intelligence division chief ng BOC.


Sa labas naman ng bahay ay nadiskubre ang 5 luxury car na nasa P100 milyong piso ang halaga.


Batay sa kanilang surveilance, 11 luxury car umano ang nakaparada sa lugar noong nakaraang araw.


“Kahinahinala ‘yung mga kotse kasi pansin mo walang plaka, tapos wala ring conduction sticker,” ani Pinawin.


Kinalawang at inamag na umano ang ilang barya na nakatambak sa nasabing warehouse.


Ayon naman sa barangay, hindi nila alam kung paanong dinala ang mga barya sa lugar lalo’t mataas ang bakuran ng bahay.


“During the day wala kaming nakikita hindi namin alam kung paano naipon ‘yan. Ang huling activity dito ‘yung request nila sa pagsesemento,” ani Jose Maria Rodriguez, barangay captain ng Barangay Laging Handa.


Dumating naman ang nagpakilalang kasosyo ng may-ari umano ng mga kotse na si Felix Uy pero tumanggi siya magbigay ng paliwanag.


Isinara muna ng mga awtoridad ang bahay at binigyan ng 15 araw ang mga may-ari nito para magpaliwanag tungkol sa mga barya at kotse, at patunayang hindi ito galing sa ilegal na gawain.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page