ni Zel Fernandez | April 28, 2022
Naglabas na ng 10 milyong piraso ng bagong P1,000 polymer banknotes na mayroong imahe ng Philippine Eagle ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Batay sa pahayag ng BSP, katumbas ito ng 0.7% ng tinatayang pinagsamang bilang ng mga papel at polymer o plastic na P1,000 bill sa sirkulasyon sa bansa.
Nauna rito, nagsagawa ang central bank ng technical briefings sa mga bank personnel, machine suppliers, at cash-in-transit service providers para turuan tungkol sa disenyo at security features ng polymer banknotes na magsisilbing bagong hitsura ng isanlibong piso sa Pilipinas.
Samantala, nasa kabuuang 500 milyong piraso ng polymer banknotes ang inaasahan namang ilalabas ng BSP kasama ang kasalukuyang P1,000 perang papel pagdating ng 2023.