top of page
Search

ni Lolet Abania | May 26, 2022



Inanunsiyo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Huwebes na si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno ang magiging chief ng Department of Finance (DOF) sa ilalim ng kanyang administrasyon.


Sa isang press conference matapos ang kanyang proklamasyon, sinabi rin ni Marcos na papalitan ni Felipe Medalla bilang BSP governor si Diokno.


Naging BSP governor si Diokno noong Marso 2019, ang iniwang posisyon ni yumaong dating BSP Governor Nestor Espenilla Jr. na namatay dahil sa cancer. Dahil sa appointment niya bilang DOF secretary, umiksi ang termino ni Diokno bilang BSP governor na nakatakda sanang magtapos sa Hulyo 2023.


“It is an honor to serve the Filipino people in my current and any future capacity. I am grateful and humbled by the President-elect to help his administration manage the country’s fiscal affairs,” sabi ni Diokno sa isang statement.


“As Finance Secretary, I will strive to continue prudently and carefully balancing the need to support economic growth, on one hand, and to maintain fiscal discipline, on the other,” dagdag niya.


Bago pa ang pagtatalaga sa BSP sa ilalim ng Duterte administration, nagsilbi si Diokno sa kanyang ikalawang termino bilang secretary ng Department of Budget and Management (DBM). Unang nagsilbi si Diokno bilang DBM secretary sa ilalim ng Estrada administration, gayundin, naging DBM undersecretary mula 1986 hanggang 1991 sa ilalim ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino.


Samantala, si Medalla ay dati nang miyembro ng Monetary Board simula Hulyo 2011. Una siyang na-appoint dito ni yumaong dating Pangulong Benigno Aquino III, habang nagsilbi sa kanyang ikalawang termino sa Duterte administration noong Hulyo 2017.


Naglingkod din si Medalla bilang secretary ng Socio-Economic Planning at director-general ng National Economic and Development Authority (NEDA) mula 1998 hanggang 2001 sa administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada. Wala pang tugon si Medalla hinggil sa kanyang appointment sa ngayon.


 
 

ni Zel Fernandez | May 5, 2022



Sa ilalim ng panibagong panukalang batas, muling naghain ang Duterte Youth Party-list ng House resolution upang himukin ang Bangko Sentral ng Pilipinas na tanggalin ang larawan ni dating Senador Ninoy Aquino sa P500 bill.


Paliwanag ni Duterte Youth Partylist Rep. Ducielle Marie Cardema, nais niya aniyang palitan ang simbolo ng limandaang pisong papel mula sa kasalukuyang larawan ng dating senador at sa halip ay gawin umano itong mas nasyonalista para sa pagkakaisa ng bansa.


Paniniwala ni Cardema, sang-ayon sa kanya ang karamihan ng mga Pinoy sa nauna na niyang ipinasang resolusyon na palitan na ang pangalan ng Ninoy Aquino International Aiport at muling ibalik ang pangalan sa Manila International Airport.


Kaya ngayon aniya, sa tingin niya ay suportado ng mga Pilipino ang bagong panukalang pagkakaroon ng mas nasyonalistang simbolo sa P500 papel, sa halip na larawan ni Ninoy ang nakaimprenta rito.


Ani Cardema, kung ang P1,000 bill umano na dating mayroong larawan ng mga totoong bayani na noong panahon ng giyera ay lumaban para sa Pilipinas laban sa mga nanakop na dayuhan ay napalitan ng larawan ng Philippine Eagle, maaari rin umano itong gawin sa P500 bill.


Giit pa ng mambabatas, isa pang dahilan upang ganap nang palitan ang mukha ni Ninoy sa P500 bill ang pakikipagsabwatan umano nito sa Communist Party of the Philippines at mga foreign claimants ng Sabah na laban sa interes ng Pilipinas.


 
 

ni Zel Fernandez | May 2, 2022



Ipinagmalaki ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang isa sa magandang katangian ng bagong P1,000 polymer banknote na nagpapakita ng pagiging mas matibay ng bagong perang papel.


Paglalarawan ng BSP, washable o maaaring hugasan ang mga bagong P1,000 bill na makababawas umano sa transmission ng virus at makatutulong sa pag-iwas sa COVID-19.


Ani BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan, dahil yari sa plastik ang mga polymer banknotes na inilabas ng bangko sentral, matibay at hindi basta-basta masisira kahit hugasan pa ang mga ito.


Gayundin, ipinaliwanag ni Tangonan na environment friendly rin ang bagong isanlibong piso sa bansa dahil pawang mga recyclable materials ang ginamit sa paglikha nito.


Dagdag ni Tangonan, ang mga ginamit na materyales sa paggawa ng mga P1,000 polymer banknotes ay ginagawa rin umanong mga recycled na mesa, upuan at maging mga construction materials kaya wala aniyang tapon ang bagong one thousand peso banknotes kahit ito ay maluma.


Giit pa nito, limang beses umanong mas matibay ang inilabas na mga polymer banknotes kaysa sa mga lumang perang papel kaya makatitipid din ang pamahalaan sa paggawa ng mga ito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page