top of page
Search

by News @Balitang Probinsiya | Oct. 7, 2024



Aklan — Isang notoryus na magnanakaw ang naaresto ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Andagao, Kalibo sa lalawigang ito.


Hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng suspek habang iniimbestigahan nila ito.


Ayon sa ulat, nilooban ng suspek ang isang tindahan at tinangay ang mga paninda.

Matapos ang panloloob ay mabilis na tumakas ang mga suspek, pero nadakip siya sa follow-up operation ng mga operatiba.


Nabatid na ang suspek ay kilalang notoryus na magnanakaw sa nabanggit na bayan.


 

MAG-ASAWANG PUSHER, ARESTADO


ILOILO -- Inaresto ng mga otoridad ang mag-asawang notoryus na drug pusher sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Cabanbanan, Oton sa lalawigang ito.


Ang mga suspek ay nakilalang sina Andrew at Magelyn Becina, kapwa nasa hustong gulang at mga residente sa nasabing lalawigan. 


Napag-alaman na may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang mag-asawa kaya agad nagsagawa ng drug-bust operation ang pulisya na naging dahilan upang madakip ang mga suspek.


Ayon sa ulat, nakakumpiska ang mga otoridad ng mahigit 1 kilo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mag-asawang suspek na kapwa nahahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.


 

BANGKAY NG DRIVER, NATAGPUAN SA TRAK


NEGROS OCCIDENTAL -- Isang bangkay ng driver ang natagpuan kamakalawa sa loob ng minamaneho niyang trak sa Brgy. Haguimit, La Carlota City sa lalawigang ito.


Kinilala ang biktima na si Armando Sepacado, nasa hustong gulang at residente ng Sagay City sa nasabing lalawigan.


Ayon sa ulat, isang residente ang nag-report sa pulisya tungkol sa natagpuan niyang bangkay sa loob ng trak.


Sa imbestigasyon ng pulisya ay napag-alaman na may mga tama ng bala sa katawan ang biktima. 


Patuloy pa ang isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad para makilala ang mga salarin at motibo sa pagpatay.

 
 

by News @Balitang Probinsiya | Oct. 6, 2024



Rizal — Isang wanted na holdaper ang nadakip ng pulisya kamakalawa habang kumukuha ng police clearance sa police station ng bayan ng Taytay sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ng mga otoridad ang suspek habang iniimbestigahan ito sa himpilan ng pulisya. 


Ayon sa ulat, nagtungo ang suspek sa Taytay Police Station para kumuha ng police clearance sa aaplayan niyang trabaho. 


Napag-alaman na nakita ng pulisya sa kanilang record na may kasong robbery ang suspek kaya agad nila itong dinakip.


Hindi naman nanlaban ang suspek sa otoridad at sa ngayon ay nakapiit na siya sa detention cell ng himpilan ng pulisya. 


 

HVT, TIMBOG SA BUY-BUST


SARANGANI -- Isang high-value target (HVT) na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Malalag, Maitum sa lalawigang ito.

Ang suspek ay kinilala ng pulisya sa alyas na “Mackoy”, nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay.


Nabatid na may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu si “Mackoy” kaya naaresto ang suspek sa buy-bust operation.


Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng mga pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 

BANGKAY NG TRUCK DRIVER, NATAGPUAN


NEGROS OCCIDENTAL -- Isang bangkay ng truck driver ang natagpuan kamakalawa sa sugarcane plantation sa Brgy. Zone 15, Talisay City sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng truck driver na natagpuang patay sa nasabing lugar. 


Nabatid na ilang residente ang nag-report sa pulisya tungkol sa nakita nilang bangkay sa nabanggit na plantasyon.


Sa pagsisiyasat ng pulisya ay napag-alaman na may mga tama ng bala sa katawan ang biktima. 


Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad para mabatid ang motibo sa naganap na krimen.


 

LOLO, DEDBOL SA MOTORSIKLO


AKLAN -- Isang 83-anyos na lolo ang namatay nang  mabangga ng isang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Buenasuwerte, Nabas sa lalawigang ito.

Hindi na muna pinangalanan ang biktima hangga’t hindi pa naipapabatid sa kanyang pamilya ang pagkamatay nito. 


Ayon sa ulat, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo na minamaneho ng hindi pinangalanang rider kaya nabangga nito ang biktimang tumatawid sa kalsada.

Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa pagamutan, pero idineklara itong dead-on-arrival.


Nahaharap ang rider sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

 
 

by News @Balitang Probinsiya | Oct. 5, 2024



AKLAN -- Isang 29-anyos na lalaking lasing ang sugatan nang mabangga ng isang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Estancia, Kalibo sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang biktima at ang rider ng motorsiklo habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga otoridad. 


Ayon sa ulat, bigla umanong tumawid sa kalsada ang lasing kaya nabangga ito ng motorsiklong minamaneho ng rider. 


Nabatid na nagtamo ang biktima ng sugat sa paa at katawan at agad itong dinala ng mga saksi sa pagamutan. 


Nangako naman ang rider na sasagutin niya ang gastos sa ospital at lahat ng danyos sa biktima.


 

DALAGA, SAPOL SA LIGAW NA BALA


SORSOGON -- Isang 21-anyos na dalaga ang namatay nang tamaan ng ligaw na bala mula sa pinaputok na baril ng isang most wanted kamakalawa sa Sorsogon City sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng dalagang namatay sa nasabing insidente. 


Ayon sa ulat, isang hindi pinangalanang most wanted criminal ang dadakpin ng pulisya, pero bigla nitong pinagbabaril ang mga otoridad at ang isang bala ay tumama sa katawan ng biktima.


Dahil dito, agad dinala ng mga residente ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.


Patuloy pa ang pagtugis ng mga otoridad sa nakatakas na suspek.


 

3 NOTORYUS NA TULAK, NASAKOTE


CAPIZ -- Tatlong notoryus na drug pusher ang naaresto sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Tanque, Roxas City sa lalawigang ito.


Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Gilbert Padrique, May Cordovero at Achilles Dilla, pawang nasa hustong gulang at parehong residente sa nabanggit na barangay.


Ayon sa ulat, nagsagawa ng drug-bust operation ang mga otoridad sa nabanggit na barangay kaya nadakip ang tatlong suspek. 


Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng 16 pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera pag-iingat ng mga drug pusher.

Hindi naman nanlaban ang mga suspek nang dakpin sila ng mga otoridad sa naturang lugar. 


Sa ngayon ay sinampahan na sila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


 

MAGSASAKA, TINODAS NG ARMADO


NORTH COTABATO -- Isang magsasaka ang namatay nang pagbabarilin ng isang armadong lalaki kamakalawa sa Brgy. Luayon, Makilala sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay nakilalang si Victor Bama, samantalang ang suspek ay si Dodong Alcayde, kapwa nasa hustong gulang at parehong nakatira sa nasabing barangay.


Ayon sa ulat, naglalakad si Bama nang sumulpot ang suspek at agad pinagbabaril ang biktima.


Matapos tiyaking patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang salarin.

Inaalam pa ng mga otoridad ang motibo ng suspek sa pamamaslang sa biktima.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page