ni Twincle Esquierdo | November 26, 2020
Prayoridad na unang mabigyan ng bakuna laban sa COVID-19 ang mga lugar na libu-libo ang bilang ng mga apektado. Sa isang panayam, sinabi ng vaccine czar na si Carlito Galvez Jr. na lahat ng mga lugar na halos 3,000 - 4,000 ang bilang ng may COVID-19 ay prayoridad na unang mabakunahan.
"Lahat po ng mga tumaas nang mahigit 4,000 o 3,000 ang kanilang active cases, uunahin po natin 'yan. Kasama po ang Bacolod, Iloilo, Cebu at Tacloban City," sabi ni Galvez.
Ibibigay nang libre ang mga bakuna at sisikapin ng gobyerno na mabakunahan ang 60 - 70 milyong katao sa loob lamang ng limang taon. "We will do this in a 3 to 5-year period because we can only vaccinate around 20 to 30 million a year."
"Ang pinakauna nga is healthcare workers at saka 'yung mga frontliners. Kasama po sa mga frontliners na ito ay mga police at sundalo at saka ‘yung ating mga servicemen."
"Kasama rin po dito ang mga essential workers ng Department of Social Welfare and Development, Department of Education, government agencies, vulnerable at poor communities," sabi ni Galvez.