top of page
Search

ni Mai Ancheta | June 22, 2023




Nagpatupad ng mabilisang paglilikas ang mga operatiba ng Digos City Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga residente ng 12 barangay dahil sa pagbaha at landslide nitong Martes ng gabi sa Digos City, Davao del Sur.


Ang pagbaha ay epekto umano ng mga pag-ulan dulot ng Inter-Tropical Convergence Zone o ITCZ na nagdulot ng pagbaha sa ilang mga barangay sa bayan ng Sta. Cruz at Digos City.


Batay sa report, naapektuhan ng landslide ang tatlong bahay sa Bgy. Kapatagan at nakaiwas sa peligro ang mga nakatirang pamilya dahil sa maagap na pagpapalikas sa mga ito bago pa man gumuho ang lupang kinatayuan ng tatlong bahay.


Tumaas din ang tubig sa mga kalsada sa bayan ng Sta. Cruz kung saan maraming mga motorista ang na-stranded sa highway, habang nagmistulang ilog naman ang mga kalsada sa isang barangay sa bayan ng Bansalan dahil sa mataas na tubig-baha.


Maging sa bayan ng Matanao ay umapaw din ang tubig-baha at marami ring mga motorista ang na-stranded.


Inaalam na ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang lawak ng pinsalang idinulot ng baha at landslide sa nabanggit na mga lugar.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 24, 2021



Itinaas sa ikalawang alarma ang Marikina River ngayong Sabado nang umaga dahil sa matinding pag-ulan na dulot ng Southwest Monsoon at kaagad na inilikas ang mga residente ng naturang lugar.


Ayon sa 7:00 AM update ng Marikina City Public Information Office, itinaas na sa ikalawang alarma ang Marikina River matapos maitala ang 16.2 metrong water level nito.


Matapos ang isang oras, bandang alas-8:00 nang umaga, kaagad na umakyat sa 16.3 metro ang water level ng Marikina River.


Binuksan din ang lahat ng walong gates ng Manggahan Floodway dahil dito.


Samantala, nananatili naman sa 0 millimeter ang Marikina Local Rainfall Level sa Youth Camp, Green St. Concepcion Dos, at Sampaguita St. Bayan Bayanan Creek.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 17, 2021



Umabot na sa mahigit 126 ang nasawi sa matinding pagbaha sa western Germany at Belgium, ayon sa opisyal at patuloy pa ring nagsasagawa ng rescue operations.


Ayon sa ulat, umabot sa 106 ang nasawi sa Germany habang tinatayang nasa 1,300 naman ang nawawala.


Libu-libong residente rin ang nasiraan ng bahay at nasa 900 sundalo na ang ipinadala ng pamahalaan upang tumulong sa rescue at clearing operations.


Sa Rhineland-Palatinate, 63 ang nasawi kabilang na ang 12 residente ng care home para sa mga may kapansanan habang 43 naman ang namatay sa North Rhine-Westphalia ngunit ayon sa opisyal, posibleng tumaas pa ang death toll.


Saad pa ni Interior Minister for Rheinland-Palatinate Roger Lewentz, "When emptying cellars or pumping out cellars, we keep coming across people who have lost their lives in these floods."


Sa Belgium naman, 20 na ang naitalang nasawi at dalawampu ang bilang ng mga nawawala.


Ayon kay Belgian Prime Minister Alexander De Croo, nasa 20,000 katao ang apektado ng kawalan ng kuryente at lubog pa rin umano sa baha ang ilang lugar.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page