ni Mai Ancheta @News | September 24, 2023
Nagmistulang ilog ang maraming lugar sa Metro Manila matapos bumaha dahil sa malakas na pag-ulan kahapon.
Dahil dito, maraming motorista ang hindi makadaan at makabiyahe dahil sa mataas na tubig-baha gaya ng ilang bahagi ng EDSA sa tapat ng gate 3 ng Kampo Aguinaldo.
Hindi umubra ang mga maliliit na sasakyan na dumaan sa lugar kaya nagkabuhol-buhol ang daloy ng trapiko.
Mataas din ang tubig-baha sa 29th Avenue, Cubao, Quezon City, bahagi ng P. Tuazon sa Project 4, Espana sa Lungsod ng Maynila, at sa Taft Avenue.
Lagpas tuhod din ang tubig-baha sa Ramon Magsaysay boulevard eastbound at hindi kayang matawid ng maliliit na sasakyan kaya usad-pagong ang mga sasakyan.
Ang naranasang ulan ay dahil sa low pressure area at habagat.