ni Lolet Abania | December 18, 2020
Ganap nang bagyo ang pumasok sa bansa na tinawag na Tropical Depression Vicky na magdudulot ng malalakas na pag-ulan at pabugsu-bugsong hangin sa bahagi ng Visayas at Mindanao habang makakaapekto sa Luzon ang northeast monsoon, ayon sa PAGASA.
Sa forecast ng PAGASA nang alas-3:00 ng umaga ngayong Biyernes, tinataya ang Bagyong Vicky na nasa layong 220 kilometers silangan ng Davao City na may maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras malapit sa sentro at pabugsu-bugso na aabot sa 55 kph at kumikilos pakanluran hilagang-kanluran ng 15 kph.
Makararanas ang Central at Western Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, Southern Leyte, at Zamboanga del Norte ng mga pag-ulan na may pabugsu-bugsong hangin dulot ng nasabing tropical depression.
Posibleng magkaroon ng mga pagbaha at landslides dala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan. Sa Bicol Region, Marinduque, Romblon, Mindoro Provinces, at natitirang bahagi sa Visayas at Mindanao ay makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat dahil na rin sa Tail-end ng isang Cold Front at ng Bagyong Vicky.
Posibleng magkaroon ng mga pagbaha at landslides dulot ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan. Sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, at Aurora ay makararanas ng maulap na papawirin na may pag-ulan dahil sa northeast monsoon at posible rin ang mga pagbaha o landslides dulot ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Ang natitirang bahagi ng Luzon ay bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulo-pulo at mahinang pag-ulan dulot ng northeast monsoon. Sa Luzon, Visayas, eastern section ng Mindanao ay magkakaroon ng katamtaman hanggang sa malakas na bugso ng hangin na kumikilos hilagang-silangan patungong silangan habang magiging katamtaman hanggang sa malakas ang pag-alon sa mga baybayin.
Ang natitirang bahagi ng Mindanao ay makakaranas ng mahina hanggang sa katamtamang bugso ng hangin na kumikilos hilagang-silangan patungong hilagang-kanluran habang mahina hanggang sa katamtamang pag-alon ang mga baybayin.