top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 8, 2020




Tatanggap ng P10,000 cash assistance ang mga pamilyang nasiraan ng bahay dahil sa pananalasa ng Bagyong Rolly mula sa pamahalaan, ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).


Ang National Housing Authority (NHA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pamamahagi ng cash aid, ayon kay DHSUD Secretary Eduardo del Rosario.


Aniya, “Magbibigay tayo ng P5,000 para sa mga partially damaged at P10,000 na tulong sa mga totally damaged na houses. “Ang NHA at DSWD, meron itong pondo na nakalaan, pondo para sa immediate financial assistance na puwedeng ibigay sa mga kababayan natin na ang kanilang mga bahay ay naapektuhan.”


Target na ipamigay ang cash assistance sa mga biktima ng Bagyong Rolly sa Bicol, Calabarzon at Mimaropa sa Miyerkules.


Samantala, ayon sa Office of Civil Defense-Region V, umakyat na ang bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Rolly sa Bicol Region sa 21; 13 sa mga ito ay mula sa Albay; 2 sa Camarines Sur; at 6 sa Catanduanes. Tinatayang aabot naman sa 292,728 kabahayan ang nasira, ayon sa OCD.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 7, 2020




Ayon sa Department of Health Region 5 at Local Disaster Risk Reduction and Management Offices, 13 sa mga nasawi ay mula sa Albay, 6 ang mula sa Catanduanes, at isa sa Camarines Sur.


Limang katao naman ang nawawala kung saan 3 sa mga ito ay mula sa Albay at isa sa Catandanues, isa sa San Miguel. Sa 394 sugatan naman, 290 sa mga ito ang mula sa Catanduanes, 91 sa Camarines Sur at ang iba pa ay mula sa Sorsogon at Albay.


Tinatayang aabot naman sa 29,106 pamilya o 111,846 katao ang na-displaced, ayon sa Department of Social Welfare and Development sa Region 5.



Ayon sa awtoridad, aabot sa P12,712,026,492 ang halaga ng nasirang ari-arian dahil sa Bagyong Rolly at P3,658,773,499 naman ang naidulot nitong agricultural damage sa rehiyon.

 
 

ni Thea Janica Teh | November 5, 2020




Isinailalim na ngayong Huwebes sa state of calamity ang Catanduanes matapos manalanta ang bagyong Rolly nitong Linggo.


Umabot sa 20,000 bahay ang nasira ni 'Rolly' na itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa buong mundo sa taong 2020. Bukod pa rito, nasira rin ng Bagyong Rolly ang humigit-kumulang P1.3 bilyong halaga ng agrikultura sa lungsod.


Hanggang ngayon ay wala pa ring cellphone signal sa lugar pati na rin ang kuryente at tubig. Kulang na rin ang medical supply at gamot sa Eastern Bicol Medical Center (EBMC).


Ayon kay EBMC Hospital Chief Dr. Vietrez Abella, kinakailangan nila ng gamot sa tetano dahil bukod sa mga nasugatan ay mayroon ding mga nakagat ng aso. Kinakailangan din nila ng emergency med at anti-rabies.


Sa ilalim ng state of calamity, makakakuha ang lokal na pamahalaan ng calamity fund upang magamit sa rehabilitasyon at relief goods.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page