ni Mary Gutierrez Almirañez | April 17, 2021
Itinaas sa blue alert status ang Catanduanes at kasalukuyan na ring naghahanda ang ilang lokal na pamahalaan sa Bicol region sa pagdating ng bagyong Bising, ayon kay Governor Joseph Cua ngayong araw, Abril 17.
Aniya, “As soon as mag-declare na ng red alert level, magkakaroon tayo ng forced evacuation.”
Ikinabahala ni Cua ang magiging epekto ng bagyong Bising sa kanilang lugar, sapagkat aniya’y hindi pa sila nakakabangon mula sa Bagyong Rolly noong nakaraang taon.
Sabi pa niya, “Ito na naman ang Bising na mukhang delikado sa laki ng diametro nito. Kahit ang gitna nito, tumama sa dagat, abot pa rin ang buong Bicol region nito kaya nakakatakot po dahil sa laki ng diametro. At 'yung expected rains na dala nito, 600 to 900 millimeters kaya medyo 'yun pa rin ang nangangamba tayo, dahil nga at 240 millimeters na ulan, 24 hours n’yan, nagla-landslide na tayo. Ito, 600 to 900 mm kaya talagang nakakatakot.”
Kabilang ang Catanduanes sa mga lugar na nasa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1.
Samantala, dalawang dam naman sa bayan ng Palapag sa Northern Samar ang nagbawas ng tubig bilang paghahanda sa parating na bagyo.
Nagpalabas na rin ng kautusan ang ilang lokal na pamahalaan para pansamantalang ipagbawal ang pagpapalaot ng mga mangingisda. Ipinagbawal din ang pagbibiyahe sa dagat upang maiwasan ang disgrasya.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan si Bising dakong alas-10 kaninang umaga, na may layong 645 kilometers sa silangan ng Maasin City, Southern Leyte.
May taglay itong hangin na 185 kilometers per hour na malapit sa sentro at may pagbugso na hanggang 230 kph. Ito ay kasalukuyang kumikilos papuntang northwestward sa bilis na 20 kph.