ni Mary Gutierrez Almirañez | April 23, 2021
Apat katao ang patay at mahigit P222 milyong agrikultura at imprastruktura ang iniulat na napinsala dahil sa pananalanta ng Bagyong Bising, ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal ngayong umaga, Abril 23.
Kabilang sa mga namatay ang dalawang taga-Eastern Visayas, habang tig-isa naman sa Central Visayas at Davao Region. Samantala, 13 ang iniulat na sugatan, kung saan karamihan ay taga-Davao.
Sa kabuuang bilang, tinatayang 170,000 residente ang inilikas sa mga evacuation centers dahil sa banta ng landslide, storm surge at pagbaha. Halos 63 bayan at munisipalidad din ang nawalan ng kuryente sa Bicol Region, Central Visayas at Eastern Visayas.
Inaasahan namang aalis sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Bagyong Bising ngayong darating na Linggo at kumikilos ito sa bilis na 20 kph.