ni Mary Gutierrez Almirañez | February 22, 2021
Binaha ang labingpito sa 19 na bayan ng Surigao Del Sur dahil sa walang patid na pag-ulan dulot ng Bagyong Auring kahapon, Pebrero 21, kung saan mahigit 8,000 residente ang naapektuhan at halos 126 barangay ang napinsala at maging ang ilang evacuation centers ay pinasok na rin ng tubig.
Ayon pa sa ulat, mahigit 5,000 pamilya ang inilikas mula naman sa coastal areas ng Surigao Del Norte. Sa Agusan Del Norte ay inilikas din ang 60 residente na nakatira sa tabing-ilog.
Samantala, sa Dinagat Islands kung saan nag-landfall ang bagyo ay umabot na sa mahigit 350 pamilya ang na-evacuate. Nakahanda naman ang lokal na pamahalaan ng Eastern Samar sa forced evacuation kung kinakailangan.
Sa Davao Region, mahigit 40 pamilya ang inilikas kabilang ang mga residente mula sa Mawab at New Bataan sa Davao De Oro, pati na rin sa Mati City, Banaybanay at Caraga sa Davao Oriental.
Ayon sa huling datos ng Philippine Coast Guard, mahigit 3,800 indibidwal ang na-stranded mula sa pantalan ng hilagang Mindanao, hilagang silangang Mindanao, silangang Visayas, kanlurang Visayas, gitnang Visayas at Bicol region dahil sa Bagyong Auring.
Kabilang sa mga stranded ay ang mahigit 2,000 pasahero, mga drivers at mga cargo helpers. Nauna nang inanunsiyo ng pamahalaan ang pagkansela sa klase sa lahat ng antas ng paaralan at kawani ng gobyerno sa Tacloban City at Romblon Province.
Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa Cantillan, Surigao del Sur, Compostela, Davao de Oro at Madridejos, Cebu.
Samantala, nananatili pa rin sa Signal No. 1 ang mga sumusunod: -Sorsogon -Masbate (kabilang ang Ticao at Burias Islands) -Albay -Catanduanes -Silangang bahagi ng Camarines Sur -Northern Samar -Eastern Samar -Samar -Biliran -Leyte -Southern Leyte -Bohol -Cebu -Siquijor -Hilaga at silangang bahagi ng Negros Oriental -Hilaga at gitnang bahagi ng Negros Occidental -Silangang bahagi ng Iloilo -Silangang bahagi ng Capiz -Dinagat Islands -Surigao Del Norte -Hilagang bahagi ng Surigao Del Sur -Agusan Del Norte Sa ngayon ay wala pang naiulat na nasaktan o nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Auring.