top of page
Search

ni Mai Ancheta | May 16, 2023




Ibinalik ang mandatory na paggamit ng face mask sa Baguio City partikular sa mga establisimyento at mga matataong lugar.


Layon nito na makaiwas ang mamamayan ng Baguio City sa peligro ng COVID-19 dahil sa tumataas na naman na kaso ng mga tinatamaan ng virus.


Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang paggamit uli ng face mask ay upang mahadlangan ang pagkalat muli ng COVID-19 at mapababa ang kaso ng mga nagkakasakit.


"Karamihan ng mga cases natin are mild and this is one way of mitigating and at the same time hopefully we will able to reduce the number of cases," ani Magalong.


Wala aniyang dapat ikaalarma dahil mababa ang bilang ng mga naoospital at hindi naman matindi ang pagtama ng virus sa mamamayan.


Kasabay nito, nilinaw ng alkalde na hindi kinokontrol ng city government ang galaw ng mga tao, pati na ng mga turistang umaakyat sa Baguio City, bagkus ay nais lamang makasiguro ng kaligtasan sa kanilang mamamayan.


Pinayuhan din ni Magalong ang publiko na iwasan na muna ang pakikipagkamay upang makaiwas sa virus at sa halip ay gamitin na lamang ang fist bump at elbow bump para sa kanilang kaligtasan.


"Hindi naman natin kinokontrol ang movement ng tao, i-avoid na lang muna natin 'yung handshake, gamitin na lang natin 'yung fist bump at elbow bump," dagdag ni Magalong.


Dahil panahon pa rin ng summer vacation, maraming mga lokal na turista ang umaakyat sa Baguio City para mamasyal at mag-relax sa lungsod.


 
 

ni Lolet Abania | February 2, 2022



Muling nagpositibo sa test sa COVID-19 sa ikalawang pagkakataon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.


Sa kasalukuyan, si Magalong ay sumasailalim na sa home isolation.


“Actually, tinamaan ako ngayon. Nasa home isolation ako. Very mild. This is my second time na na-hit ako ng COVID,” ani Magalong sa isang radio interview ngayong Miyerkules.


Ayon kay Magalong, na nakatanggap na rin ng booster shot ng COVID-19 vaccine, na sa ikalawang araw ng kanyang isolation ay nakarekober siya agad sa mga sintomas ng virus, habang aniya, nasa ikaapat na araw na siya ngayon ng isolation.


Matatandaan noong Abril 2021, si Magalong ay unang nagpositibo sa test sa COVID-19.


Nanawagan naman ang alkalde sa ibang mga local government units (LGUs) at mayors na sinasabing minamanipula umano ang bilang ng kanilang COVID-19 cases sa pamamagitan ng paglilimita umano ng kanilang testing efforts.


“’Yung ibang LGUs, mayors ayaw nilang lumabas na mataas ang kaso nila dahil ang pananaw nila it will reflect on their performance. Of course, with this forthcoming elections, talagang maapektuhan sila,” sabi ni Magalong.


Tinanong naman ang alkalde hinggil sa pag-scrap ng alert level system para sa pag-classify sa mga lugar na may panganib ng COVID-19 at pumabor si Magalong sa naturang proposal.


“Ako pabor talaga kung puwede tanggalin na. We’re just waiting for the experts to give that advice,” sabi pa niya.

 
 

ni Lolet Abania | July 15, 2021


Binawasan na ang mga itinalagang contact tracers na mula sa dating 50,000 ay naging 15,000 na lamang.


Ayon sa isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ito ay dahil sa kakulangan sa pondo.


Sinabi ni DILG Assistant Secretary Odilon Pasaraba, hiniling na rin ng ahensiya na mabigyan sila ng karagdagang pondo para makapag-hire ng maraming contact tracers.


“We used to have 50,000 at dahil sa budget, nag-reduce tayo ng 15,000 contract tracers na lamang,” ani Pasaraba sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.


Gayunman, ayon kay Pasaraba, ang Department of Budget and Management ay magbibigay ng karagdagang budget para sa contact tracing.


Matatandaang sinabi ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Bejamin Magalong na ang ideyal na ratio ng para sa urban setting ay dapat 1:30 to 37 habang para sa rural areas naman ay 1:25 to 30.


Ayon kay Pasaraba, tinatarget na ng ahensiya ang makamit ang 1:10 contact tracing ratio na ini-require naman ng Department of Health.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page