top of page
Search

ni Lolet Abania | August 25, 2021



Inianunsiyo ng Department of the Interior and Local Government ngayong Miyerkules na pinalawig pa ang deadline ng pamamahagi ng cash aid sa Metro Manila hanggang Agosto 31.


Sa isang pahayag ng DILG, tinatayang nasa 80% o P9.1 bilyon pa lamang mula sa P11.2 bilyon pondo ang naibigay sa mga low-income individuals at pamilya nito sa National Capital Region hanggang nitong Martes.


“We have decided to give the LGUs in the NCR until the end of the month to complete the distribution of ayuda,” ani DILG Secretary Eduardo Año. Sinabi pa ng DILG, nasa kabuuang 9,101,999 benepisyaryo ang nakatanggap ng kanilang ayuda sa NCR mula Agosto 11 hanggang 24. Ayon kay Año, ginawa ang pagpapalawig ng pamamahagi ng ayuda dahil na rin sa kahilingan ng mga local government units (LGUs), na sinang-ayunan nina Department of Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista at Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana.


Gayundin, binanggit ng DILG chief na may ilang LGUs na hiniling na i-extend ang kanilang payout para sa kanilang nasasakupan sa dahilang limitado ang kanilang galaw at manpower.


Aniya, “The mayors also need more time to process appeals and grievances so it is justified for us to give an extension.” Dagdag ni Año, ang Caloocan City lamang ang nakakumpleto ng distribusyon ng kanilang social assistance fund. Natapos naman ng Pateros, Pasay, Manila, at Mandaluyong ang kanilang payout na nasa 97.34%, 95.16%, 91.57%, at 85.84%, batay sa pagkakasunod.


Una nang binigyan ng 15-araw ang mga Metro Manila LGUs para makumpleto ang pamamahagi ng cash aid, na nagsimula noong Agosto 11 at magtatapos sana ngayong Miyerkules, Agosto 25.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 08, 2021



Inihihirit ni Department of Labor Secretary Silvestre Bello III kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Department of Budget and Management (DBM) na maglaan ng P2 billion pondo para sa cash assistance sa mga manggagawang apektado ng dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region.


Ani Bello sa isang panayam, “Humingi kami kay Pangulong Duterte at sa DBM, humirit kami ng P2 billion kasi ang estimated natin ay maaapektuhan ang 300 to 400 workers, [sila] ang nawalan ng trabaho o mababawasan ng trabaho rito sa loob ng dalawang linggong ECQ.”


Pinoproseso pa umano ang naturang request ng DOLE at ayon kay Bello, kabilang ang mga apektadong manggagawa sa Laguna sa ikinokonsidera ng ahensiya na bigyan ng cash aid dahil isinailalim din ang naturang lugar sa mahigpit na quarantine classification.


Samantala, hanggang sa Agosto 20 pa isasailalim ang Metro Manila sa ECQ dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant.

 
 

ni Lolet Abania | August 5, 2021



Ipapamahagi na ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang nakalaang cash assistance sa mga benepisyaryo nito sa Sabado o Linggo sa gitna ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region.


Sa Laging Handa public briefing, ayon kay Mayor Rex Gatchalian, inaasahan niyang matatanggap ang pondo ngayong Huwebes. “Pinakamaaga ay Saturday natin masisimulan. Pinaka-late na siguro ‘yung Sunday,” ani Gatchalian ngayong Huwebes sa briefing.


Ayon kay Gatchalian, naglaan na ang city government ng mga payout centers kung saan matatanggap ng mga nakaiskedyul na benepisyaryo ang kanilang mga ayuda sa mga naturang pasilidad kada oras.


Aniya pa, inihahanda na nila ang mga iskedyul at ang masterlist para sa distribusyon. Ang NCR ay isasailalim sa ECQ ng dalawang linggo mula Agosto 6 hanggang 20 upang maiwasan ang panganib ng mas nakahahawang Delta variant ng coronavirus. Bibigyan ang mga low-income residents ng Metro Manila na labis na maaapektuhan ng restriksiyon ng P1,000 hanggang P4,000 cash aid mula sa national government.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page