top of page
Search

ni Mai Ancheta @News | July 19, 2023




Ikinakasa na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng P 6,000 one-time fuel subsidy sa mga tsuper at operator ng public utility vehicles (PUVs) sa ilalim ng fuel subsidy program.

Layon nitong mapagaan ang pasanin ng mga tsuper sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, ang one-time fuel subsidy ay planong ilarga sa Agosto.


Inaalam na ng ahensya ang bilang ng mga benepisyaryo.


Unang inilarga ang fuel subsidy noong panahon ng pandemya sa ilalim ng Duterte administration at itinuloy ng kasalukuyang administrasyon.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | July 19, 2023



Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na balang araw posibleng itigil na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang conditional cash transfer program ng bansa.

Ito ay makaraang pangunahan ang Walang Gutom 2027: Food Stamp Program Kick-off Activity sa Tondo, Maynila kasama sina Bise Presidente Sara Duterte-Carpio, DSWD Secretary Rex Gatchalian at Mayor Honey Lacuna-Pangan.

"Sana, ibig sabihin kasi kapag kaya nating itigil 'yan... ibig sabihin wala nang nangangailangan. Eh, maganda talaga kung maabot natin 'yun," reaksyon ni Marcos sa isang panayam kung tatanggalin na ang 4Ps ngayong may food stamp program na.

Ayon sa Pangulo, magpapatuloy pa rin sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipino lalo na sa mga apektado ng kalamidad ngunit ang 4Ps ay maaaring makatulong lamang na maitawid sila sa kahirapan.

Nabatid na ang mga target na benepisyaryo sa food stamp program ay makakatanggap ng food credits na nagkakahalaga ng P3,000 na magagamit sa pagbili ng pagkain mula sa DSWD-accredited local retailers.


Ang programa ay sa pakikipagtulungan ng Asian Development Bank (ADB) na nagbigay ng 3 milyong dolyar para sa anim na buwang pilot run ng food program.


 
 

ni BRT @News | July 16, 2023




Tuloy ang pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay.


Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, nasa 922 na pamilya mula sa Camalig, 586 sa Daraga, at 444 sa Tabaco Albay ang nabigyan na ng pinansyal na ayuda sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer.


Ipinamigay ang ayuda sa iba't ibang evacuation centers.


Nasa P12,330 ang natanggap na tulong ng bawat pamilya.


Sa kabuuan, nasa P5.4 milyong ayuda na ang naibigay ng DSWD.


Samantala, aabot sa 39 volcanic earthquakes, 362 rockfall events at limang pyroclastic density current events ang naging aktibidad ng Bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras.


Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nasa 2,132 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan.


Naging mabagal ang pagdaloy ng lava mula sa crater na may haba na 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully at 1.4 kilometro sa Bonga Gully at 4 na kilometro sa Basud Gully. Natatakpan ng ulap ang bulkan kaya walang naitalang plume.


Kaugnay nito, nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkan Mayon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page