top of page
Search

ni BRT @News | September 10, 2023




Hindi umano sapat ang P6,500 hanggang P10,000 one-time fuel subsidy ng gobyerno sa mga driver at operator, ayon sa transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON).


"'Pag tiningnan po natin, ito ay pampatid-uhaw lamang sapagkat sa P6,500 halos apat na araw lamang naiko-consume ng ating mga driver at operator lalo na kung ito ay nagkakarga ng 30 liters per day 'yung ating mga driver," ani PISTON President Mody Floranda sa isang panayam.


Aniya, dahil sa oil price hike, P100 kada araw ang nawawala sa kita ng tsuper.


"Kapag tiningnan po natin sa loob ng 25 days, naglalaro po ito sa mahigit P3,000, 'yung direct na nawawala. Kaya 'yun po 'yung sinasabi po natin ay sa biglang tingin ay makakatulong pero kung titingnan natin sa kabuuan ay wala ring saysay, kasi sa patuloy ngang pagtaas ng presyo ng petrolyo," dagdag pa nito.


Naniniwala si Floranda na mas mainam kung ibabasura ng gobyerno ang Oil Deregulation Law o muling pag-aralan ang probisyon nito.


Hinikayat din nito si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na mag-isyu ng executive order para suspendihin muna ang excise tax sa petrolyo.



 
 

ni Mai Ancheta @News | August 31, 2023




Ilalarga ngayong Setyembre ang naudlot na pamamahagi ng gobyerno ng fuel subsidy para sa mga pampublikong sasakyan.


Ito ang tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos mabigong maibigay nitong Agosto ang ipinangakong ayuda para sa mga operator at driver ng public utility vehicles sa bansa.


Ayon kay LTO Executive Director Robert Peig, ngayon pa lamang nakumpleto ang requirements na kailangan bago maipalabas ng Department of Budget and Management ang pondong inilaan para sa fuel subsidy.


Tatanggap ng tig-P6,500 na fuel subsidy ang mga benepisyaryo ng PUVs, habang P10K naman para sa mga modernong jeepneys.


Naunang inihayag ni DBM Sec. Amenah Pangandaman na nakahanda nang ipalabas ang P 3 billion para sa fuel vouchers at hinihintay lamang ang joint memorandum circular ng Department of Transportation mula sa tanggapan ni Sec. Jaime Bautista.




 
 

ni Mylene Alfonso @News | August 22, 2023




Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng langis, dapat na umanong ilabas ng Department of Transportation (DOTr) at iba pang kaukulang ahensya ang P3 bilyong subsidy para sa mga tsuper ng public utility vehicle (PUV).


Ginawa ni Poe ang panawagan bilang tugon sa anunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na dapat ilabas muna ang joint memorandum circular na nilagdaan ng mga kinauukulang ahensya bago mailabas ng ahensya ang pondo para sa fuel subsidy na inihain sa 2023 budget.


Kasunod din nito ang panawagan ng senadora sa kaparehong araw kung saan umapela ang grupo ng taxi operators na itaas ang flagdown rate mula P40 hanggang P70 dahil sa pagtaas ng mga produktong petrolyo.


“Inilatag na natin sa 2023 budget ang P3 billion fuel subsidy na hindi pa rin nagagamit kahit halos matatapos na ang taon. The DOTr must immediately issue the memorandum circulars and execute the memorandum of agreement necessary for the release of the long overdue fuel subsidy,” pahayag ni Poe.

"We understand the plight of our drivers and operators amid the series of oil price hike. If we hike the fare, then it's the public who will be burdened by this. Would the public be able to pay for it when a fare hike was implemented just last year?” tanong ng senadora.


Dagdag pa ni Poe na dapat maghanap din ang DOTr at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng iba pang alternatibo para makatulong sa PUV sector at commuters.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page