top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | October 4, 2023




Hiniling ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, principal sponsor ng Increased Social Pension of Indigent Senior Citizens Law, sa Department of Budget and Management (DBM) na siguruhing may nakalaang pondo para sa dagdag na buwanang social pension ng mga indigent senior citizen.

Sa 2024 National Expenditure Program, naglaan ng P49.80 bilyon para sa P1,000 kada buwan na social pension ng mga indigent senior citizen.

Subalit, iginiit ni Villanueva na sa taong 2023, nananatiling P500 kada buwan ang social pension ng mga indigent senior citizen, kahit na naipasa ang batas na nagdodoble sa halaga nito noong nakaraang taon.


Sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act, P25.30 bilyon ang inilaang pondo para sa social pension ng mga indigent senior citizen. May inilaan ding P25 bilyon sa ilalim ng unprogrammed funds para sa dagdag-pensiyon.


Mandato ng Republic Act No. 11916, inisponsoran ni Villanueva noong 18th Congress, na dagdagan ng 100 porsyento ang buwanang pensiyon – P1,000 mula sa dating P500 – ng mga indigent senior citizen, na tinatayang nasa 4.1 milyon sa kasalukuyan.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 25, 2023




Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa susunod na linggo ang cash assistance sa mga may-ari ng sari-sari store na naapektuhan ng pagpapatupad ng mandated price ceiling sa bigas.


Sa update nito sa Office of the President, inihayag ng DSWD na nakatakdang ipamahagi ang cash assistance sa mga may-ari ng sari-sari store sa Setyembre 25 hanggang 29 sa pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) bilang pagtukoy sa mga benepisyaryo.


Base sa direktiba ni Marcos, magpapamahagi ang DSWD ng cash assistance sa maliliit na rice retailers na apektado ng pagpapatupad ng mandated price ceiling sa regular at well-milled rice sa buong bansa.


Matatandaang inaprubahan ng Punong Ehekutibo ang pagpapatupad ng P41 price ceiling sa regular milled rice at P45 sa well-milled sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Executive Order No. 39.


Batay sa pinakahuling ulat, sinabi ng DSWD na nakapaglabas na sila ng P92.415 milyon na tulong pinansyal sa 6,161 mula sa 8,390 na target na micro at small rice retailers na apektado ng pagpapatupad ng EO 39 sa buong bansa.



 
 

ni Mai Ancheta @News | September 18, 2023




Hindi pa natatanggap ng ilang tsuper at operators ng public utility vehicles na benepisyaryo ng fuel subsidy program ang kanilang ayuda mula sa gobyerno.


Ito ang inihayag ng grupong Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) sa kabila ng pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipinamahagi na nitong September 13, 2023 ang fuel subsidy para sa PUVs.


Ayon kay Boy Vargas, presidente ng ALTODAP, wala pang laman ang cash card ng ilan sa kanilang miyembro, gayong ang iba ay nakuha na sa Landbank of the Philippines.


Dahil dito, sinabi ni Vargas na makikipag-ugnayan siya kina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista at LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III upang ipaalam na hindi pa lahat ng kanilang miyembro ay nakatanggap ng fuel subsidy.


Ilang sangay aniya ng Landbank ay hindi pa nag-release ng cash cards para sa subsidiya dahil sa election ban kaugnay sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 30, kaya ito ang lilinawin nila sa mga opisyal ng DOTr at LTFRB.


"Ang sinasabi nila dahil daw sa election ban, ayaw ibigay ang card. 'Yun ang lilinawin namin," ani Vargas.


Ang one-time fuel subsidy ay tulong ng gobyerno sa mga tsuper ng PUVs upang mabawasan kahit paano ang epekto ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.


Ngayong Martes, September 19 ay tataas na naman sa ika-11 pagkakataon ang presyo ng petrolyo sa bansa.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page