top of page
Search

ni Lolet Abania | October 14, 2021



Tatlong crew member ang nasugatan matapos na ang Royal Australian Navy MH-60R Seahawk helicopter ay bumagsak habang transiting o papadaan sa silangang bahagi ng Luzon nitong Miyerkules ng gabi, batay sa report ngayong Huwebes ng Armed Forces of the Philippines (AFP).


Ayon kay AFP spokesperson Col. Ramon Zagala, ang tatlong sakay na crew members ay ligtas na narekober ng Royal Australian Navy ship na HMAS Brisbane, kung saan naroon malapit sa lugar.


Sinabi ni Zagala na ang MH60R Seahawk ay nag-o-operate mula sa HMAS Brisbane, na naiulat na may regional presence deployment sa Royal Australian Navy HMAS Warramunga.


“The AFP is still coordinating with its Australian counterparts on the matter and has expressed readiness to provide assistance,” ani Zagala. Base sa reports mula sa Royal Australian Navy, maraming ships ang nagsasagawa ng tinatawag na “a number of navy-to-navy engagements with partner nations” sa Southeast at Northeast Asia.


Sa inilabas na press statement mula sa Australian Department of Defense, ayon sa kanila ang mga crew members ay ligtas na at agad namang nakatanggap ng first aid sa natamo nilang minor injuries.


Ang HMAS Brisbane at HMAS Warramunga ay nagsasagawa na ng pagsisiyasat sa lugar sa anumang debris para alamin at madetermina ang naging dahilan ng insidente.


Ayon kay Rear Admiral Mark Hammond ng Australian Fleet command, bilang pag-iingat aniya, “We have temporarily paused flying operations of the MH-60R Seahawk fleet.”


 
 

ni Lolet Abania | September 29, 2021



Nasa P57 milyon halaga ng mga medical equipment, suplay at personal protective equipment (PPE) ang ibinigay ng Australian government kahapon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).


Sa isang statement ng AFP ngayong Miyerkules, sina Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana at AFP chief Lieutenant General Jose Faustino Jr., ang opisyal na tumanggap ng donasyon ng Australia sa isang ceremony sa Pier 15, South Harbor sa Manila.


Ilan sa mga items na donasyon ng Australia ay high flow oxygen machines, stretchers, defibrillators, disinfection kits, Automated RNA Extraction kit, Viral RNA Extraction kit, RT-PCR Reagents at Detection kit, face masks, face shields, PPE level 3 at level 4 sets, eye protectors at KN95 masks.


Ayon sa AFP, ang mga medical equipment ay ide-deliver sa Victoriano Luna Medical Center (VLMC) bilang suporta sa kanilang COVID-19 response, mga testing efforts at kapasidad para sa hospitalization ng mga minor hanggang sa mga critical patients ng pagamutan.


Sinabi ni Lorenzana na pinalawak ng Defense Cooperation Program ng Australia ang pagtulong sa mga pangangailangan sa COVID-19 pandemic ng mga sundalong Pilipino. “Certainly, these donations will ramp up the day-to-day clinical management and quality of care and service which AFP’s medical arm is expected to provide,” ani Lorenzana.


Labis naman ang kasiyahan ni Australian Ambassador to the Philippines Steven Robinson na nakatulong ang kanyang bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mabilis at agarang suporta sa pangangailangan ng Pilipinas.


“These additional medical and personal protective equipment will be critical in VLMC’s COVID-19 testing efforts, and treatment of COVID patients,” sabi ni Robinson.


Pinasalamatan din ni Faustino ang Australian government at nangakong ang kanilang mga donasyon ay gagamitin sa nararapat at tamang paraan.

 
 

ni Lolet Abania | September 22, 2021



Niyanig ng magnitude 6.0 na lindol ang lugar malapit sa Melbourne, Australia ngayong Miyerkules, ayon sa Geoscience Australia na naitalang isa sa mga pinakamalakas na lindol sa naturang bansa, kung saan maraming mga gusali ang nasira at nagdulot din ng mga pagyanig sa kalapit nitong states.


Ang epicenter ng lindol ay malapit sa bayan ng Mansfield sa state ng Victoria na tinatayang nasa layong 200 km (124 miles) hilagang-silangan ng Melbourne at may lalim na 10 km (6 miles), habang ang aftershock ay naitala namang nasa 4.0.


Makikita sa mga larawan at video footage na lumabas sa social media ang mga nagkalat na tipak ng mga blokeng bato sa isa sa pangunahing lansangan sa Melbourne habang ang mga tao sa hilagang bahagi ng naturang lugar ay nagsabing nawalan sila ng kuryente at ang iba ay nagsipag-evacuate na mula sa mga gusali.


Naramdaman din ang lindol sa may kalayuang siyudad ng Adelaide na nasa layong 800 km (500 miles) gawing kanluran ng state ng South Australia, at Sydney na nasa layong 900 km (600 miles) gawing hilaga ng New South Wales state.


Gayunman, wala namang nai-report na matinding pinsala sa labas ng Melbourne habang wala ring naiulat na nasaktan matapos ang lindol. Halos kalahati ng 25 milyong populasyon ng Australia ay naninirahan sa timog-silangang bahagi ng naturang bansa na mula sa Adelaide hanggang Melbourne hanggang Sydney.


“We have had no reports of serious injuries, or worse, and that is very good news and we hope that good news will continue,” pahayag ni Prime Minister Scott Morrison sa mga reporters sa Washington.


“It can be a very disturbing event, an earthquake of this nature. They are very rare events in Australia and as a result, I am sure people would have been quite distressed and disturbed,” dagdag pa ni Morrison.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page