ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 21, 2024
Kung ang mga anak ay mayroong mga karapatan, ang mga magulang bilang mga tagapagtaguyod ng pamilya ay may mga karapatan din, bukod sa mga responsibilidad na kanilang kinakaharap.
Marapat na malaman ng mga anak na ang kanilang karapatan na magmana mula sa kanilang mga magulang ay nagaganap lamang kapag ang huli ay namatay na.
Kaugnay nito, ang mga magulang ay may karapatang tanggalan ng mana ang kanilang mga anak o iba pa nilang inapo (descendants) habang sila ay nabubuhay pa gamit ang alinman sa mga sumusunod na dahilan:
Kung ang anak ay napatunayang nagtangka sa buhay ng magpapamana, ng asawa nito, kanyang mga anak o inapo (descendants), o mga ninuno (ascendants);
Kung inakusahan ng magmamana ang magpapamana ng isang krimen na pinapatawan ng parusang pagkakakulong ng anim na taon o higit pa, at napatunayan na ang nasabing akusasyon ay walang basehan;
Kung ang magmamana ay napatunayang nagkasala ng pakikipagrelasyon sa asawa ng magpapamana;
Kung ang anak o inapo, sa pamamagitan ng panloloko, pananakot, pagbabanta o pang-iimpluwensya, ay nag-udyok sa magpapamana na gumawa ng huling habilin o testamento, o pinalitan ang dati nang nagawang testamento;
Pag-ayaw nang walang dahilan ng anak o inapo na magbigay ng suporta sa kanyang magulang o magpapamana;
Pang-aapi o pagmamalupit ng anak o inapo sa magpapamana, sa salita man o sa gawa ng nasabing anak o inapo;
Kapag ang anak o inapo ay namumuhay nang kahiya-hiya; at
Kapag ang anak o inapo ay nasentensyahang nagkasala sa isang krimen kung saan ang kaparusahan ay may kasamang pagbabawal sa paggamit ng mga karapatang sibil (civil interdiction).
Ang mga magulang ay may karapatan na disiplinahin ang kanilang mga anak upang bigyan nila ang mga ito ng maayos na disposisyon o pananaw sa buhay. Kasama sa pagganap ng kanilang awtoridad bilang mga magulang ang disiplinahin ang kanilang mga supling.
Para sa isang ama, may karapatan siya na pabulaanan (impugn) ang pagiging lehitimong anak ng isang batang ipinangalan sa kanya ayon sa alinman sa mga sumusunod na kadahilanan:
Na imposible para sa asawang lalaki na makipagniig sa kanyang asawa sa loob ng unang 120 ng 300 na araw bago ang pagsilang ng nasabing bata dahil sa wala siyang kapasidad na makipagniig sa kanyang asawa, magkahiwalay sila at ang pagniniig ay imposible, o isang seryosong sakit ng asawang lalaki na pumipigil sa kanya upang makipagniig sa kanyang asawang babae;
Na napatunayan na dahil sa bayolohikal o siyentipikong kadahilanan, ang nasabing bata ay hindi maaaring maging anak ng asawang lalaki maliban sa kaso na mayroong artificial insemination; at
Sa mga batang ipinanganak sa pamamagitan ng artificial insemination, ang written authorization ng sinuman sa mga magulang ay nakuha nang dahil sa pagkakamali, panloloko o pananakot.
Ang isang asunto para kuwestiyunin ang pagiging lehitimong anak ng isang bata ay maaaring isampa ng itinuturong ama sa loob ng isang taon mula nang malaman niya ang pagkapanganak ng nasabing bata o maitala ang kapanganakan ng nasabing bata sa civil register, kung ang nasabing asawang lalaki o sinuman sa kanyang mga tagapagmana ay nakatira sa parehas na lugar kung saan naipanganak o nakarehistro ang kapanganakan ng bata. Kung ang asawang lalaki ay nakatira sa ibang lugar sa Pilipinas, ang nasabing aksyon ay maaaring isampa sa loob ng dalawang taon. Tatlong taon naman kung siya ay nakatira sa ibang bansa.
Ang isang ama naman ay may karapatang kilalanin ang kanyang relasyon sa kanyang hindi lehitimong anak sa pamamagitan ng kanyang paglagda sa tala ng kapanganakan ng nasabing anak sa civil register, o sa isang publikong dokumento o sulat-kamay niyang instrumento, sa kondisyon na ang nasabing ama ay may karapatang maghain ng aksyon sa regular na hukuman habang siya ay nabubuhay upang patunayan niya na hindi niya anak ang nasabing bata.