ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 5, 2024
Dear Chief Acosta,
Magdadalawang taon na akong umuupa sa maliit na apartment unit na tinitirhan namin dito sa Maynila kasama ang aking kapatid at mga pinsan. Nagbabayad kami ng P10,000.00 na upa kada buwan. Ngunit noong nakaraang buwan, inabisuhan kami ng may-ari na 10% ang dagdag sa renta ngayong taon simula Pebrero. Meron bang limitasyon sa pagtaas ng renta? -- Joselle
Dear Joselle,
Ang pagpapatuloy ng regulasyon sa pag-upa ay magbibigay ng proteksyon sa mga pamilyang umuupa sa pamamagitan ng pagtiyak ng pagiging abot-kaya ng mga lugar na paupahan, upang hindi lalo pang lumala ang problema ng bansa dahil sa tumataas na mga pangangailangan sa pabahay at kawalan ng tirahan.
Alinsunod dito, nag-isyu ang National Human Settlements Board (NHSB) ng Resolution No. 2023-03, na may petsang ika-13 ng Oktubre 2023:
“WHEREAS, Republic Act No. 9653, otherwise known as the “Rent Control Act of 2009”, declares as a policy the State’s continuing program of encouraging the development of affordable housing to protect housing tenants in the lower-income brackets and other beneficiaries from unreasonable rent increases;
xxx
WHEREAS, the continuation of the rental regulation will provide protection to renting families by ensuring their tenure and the affordability of rental premises;
WHEREAS, upon the recommendation of the National Economic and Development Authority (NEDA), the maximum percentage increase of monthly rental rates be capped at the upper bound of the inflation rate target of the current administration which is at 4%;
WHEREFORE, pursuant to the foregoing, the National Human Settlements Board hereby RESOLVES, as it is hereby
RESOLVED, to continue the rental regulation for the period January 1, 2024 to December 31, 2024 under the same terms and conditions provided under NHSB Resolution No. 2022-01, that for as long as the unit is occupied by the same lessee, the rent of any residential unit shall not be increased by more than four percent (4%) for the monthly rental rates of P10,000.00 and below;”
Ayon dito, hangga’t ang unit ay inookupahan ng parehong lessee o nangungupahan, ang upa ng anumang residential unit ay hindi dapat tumaas ng higit sa apat na porsyento (4%) para sa buwanang renta na Php10,000.00 at mas mababa.
Dahil kayo ay nangungupahan ng isang residential unit sa loob ng halos dalawang taon at ang renta ninyo kada buwan ay Php10,000.00, hindi maaaring magtaas ang inyong lessor nang higit 4% ng kasalukuyang renta ninyo. Ibig sabihin, labag sa batas ang balak na 10% increase sa renta na hinihingi ng inyong lessor.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.