ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 20, 2024
Isang malaking abala para sa mga motorista na nais magbakasyon sa panahon ng Mahal na Araw na karaniwang ginagawa ng marami dahil kailangan nilang paghandaan ang pagsasara tuwing gabi ng isang linya ng North Luzon Expressway (NLEX), malapit sa Balintawak Toll Plaza, bunsod ng konstruksyon ng Northern Access Link Expressway project.
Sa anunsyo ng NLEX Corporation nitong Sabado, ang proyekto ay may habang 160 metro sa leftmost lane ng northbound at southbound directions.
Upang bigyang daan ang SMC’s Northern Access Link Expressway project malapit sa Balintawak Toll Plaza, isasagawa ang pagsasara sa 160-meter sa leftmost lane ng parehong northbound at southbound directions.
Batay sa abiso ng NLEX, ang road closure ay epektibo sa Pebrero 23 mula alas-10 ng gabi hanggang Pebrero 29 ng alas-4 ng umaga.
Kaya sa mga kababayan nating nagpaplano na mag-out of town patungong north ay makabubuting alaming maigi ang detalye hinggil sa pagsasarang ito para hindi na makaranas ng pagkainis sakaling abutin ng siyam-siyam sa kahabaan ng NLEX.
Hindi naman permanente ang naturang pagsasara dahil sa isasaayos lamang ang mga sira ng bahagi ng NLEX upang higit na mas maayos at ligtas ang pagmamaneho sa mga susunod na pagkakataon.
Kumbaga, kaunting tiis lamang at ang kapalit nito ay ginhawa na para sa mga nais na magtungo sa mga lalawigan. Ang mahalaga ay nagbigay sila ng anunsyo at hindi basta-basta na lamang isinara ang mga kalye na posibleng magdulot ng grabeng pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Medyo may mga maliliit na sira na kasi sa bahaging nabanggit sa NLEX na dapat nang ayusin upang hindi na maging sanhi pa ng aksidente, kaya dapat magbaon ng pasensya habang ito ay isinasaayos.
Imbes na magreklamo ay ihanda na lamang ang mga sarili sakaling may planong mangibang bayan para hindi na makaranas ng stress habang binabaybay ang kahabaan ng NLEX na kinukumpuni.
May ilan tayong kababayan na nagkokomento na bakit daw sa panahon pang ito nagkukumpuni. Sana lang ay mapansin naman ng ating mga kababayan ang pagsisikap ng pamunuan ng NLEX na maisaayos ang napakamahal na NLEX at wala ng ibang pagkakataon para ayusin ito kung hindi ang mga panahong ito na dapat ay nag-aayuno na at hindi dapat biyahe nang biyahe para magsaya.
Medyo hassle ang pagkukumpuni ng NLEX, ngunit malaking ginhawa ito sa ating mga estudyante sa muling pagbubukas ng klase at sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa Metro Manila.
Kung tutuusin, hindi na naman obligasyon ng pamunuan ng NLEX na magbigay pa ng anunsyo dahil sa pribado ang kanilang kalye at nagbayad ang mga nais na dumaan kaya lamang ay nagmamalasakit pa rin sila sa kanilang mga parokyano at iyon lamang ay dapat na nating ipagpasalamat na hindi tayo nabigla sa sitwasyon.
Kabilang sa dapat ihanda ay ang kalooban ng mga sasama sa biyahe lalo na ang mga bata upang hindi mainip dahil napaliwanagan tungkol dito. Magdala rin ng sapat na inuming tubig at makakain na makapagpapawala ng inip sakaling abutin ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Idagdag na rin ang mga gamot sa hilo na karaniwang nararanasan ng mga bata sa biyahe lalo na kung usad pagong ang takbo at magdala rin ng supot na maaaring gamitin sa mga masusuka upang hindi magkalat sa ating sasakyan.
Tiyaking nasa kondisyon ang aircon ng inyong mga sasakyan dahil posibleng magdulot ng grabeng init sa loob nito at pagkairita kung nasa gitna na ng trapik.
Kahit kaunti sana ay nakatulong tayo sa ating mga kababayan na nais mag-out-of-town upang mapaghandaan ang kakaharapin nilang problema sa kanilang paglalakbay. Ingat!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.