ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 23, 2024
PINAG-IISIPAN na ng Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensya ng gobyerno ang posibilidad na magdagdag ng motorcycle lane para maibsan ang problema sa trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Base sa pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista, nasa 170,000 motorsiklo ang dumaraan sa EDSA kada araw na malaking sanhi din ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Sinabi ni Bautista na mayroon nang inisyal na talakayan ang DOTr sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagkakaroon ng dedicated lane para sa mga motorsiklo sa EDSA.
Nabatid na ang EDSA ay four lanes lamang. Ang isang lane ay inilaan pa sa busway. Sa kanang bahagi naman ay itinalaga sa bicycle lane. Pinaplano na umano ng DOTr na ‘yung katabi ng bicycle lane ang gagawing motorcycle lane.
Upang maiwasan umano na lahat ng lane ay ginagamit ng motorsiklo, kaya nais ng DOTr na magdagdag ng panibagong lane.
Abala ngayon ang DOTr sa pakikipag-ugnayan sa MMDA, kung paano sisimulan ang paglalagay ng panibagong lane na ilalaan para sa motorsiklo.
Layon umano ng DOTr na sa pamamagitan ng motorcycle lane sa EDSA, na tugunan ang economic cost ng traffic.
Inihayag din ng DOTr ang pag-aaral noong 2012 ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na nagsasaad na ang economic cost ng traffic ay P2.4 bilyon kada araw sa Metro Manila.
Noong 2017, ang gastos umano sa ekonomiya ay umabot sa P3.5 bilyon sa isang araw habang ang pinakahuling pag-aaral noong 2022 ay nagpapahiwatig na ang pagkalugi sa ekonomiya mula sa sobrang traffic ay P4.9 bilyon sa isang araw lamang at inaasahang tataas pa umano ito ng P9 bilyon kada araw sa 2030.
Sa paliwanag ng DOTr, ang economic cost (of traffic), ito umano ‘yung additional fuel, additional cost, nawawalang opportunity for growth, at pagkawala pa ng panahon sa pamilya.
Kung maisasakatuparan sa lalong madaling panahon ang karagdagang lane sa EDSA para sa motorsiklo ay napakalaking ginhawa nito para sa ating mga ‘kagulong’ at bibilis na ang mga serbisyo na ginagamitan ng motorsiklo.
Higit sa lahat ay malalayo na rin sa aksidente ang mga nagmomotorsiklo sa kahabaan ng EDSA kung magkakaroon ng karagdagang lane at maiiwasan na rin ang pagtawid-tawid sa kahabaan ng busway dahil sa walang ibang madaanan.
Sana ay hindi na magkaroon ng pagbabago ang planong ito ng DOTr dahil ngayon pa lamang ay marami na ang natutuwa sa napakagandang planong ito na matagal nang minimithi ng ating mga ‘kagulong’.
Maging ang mga motorista na matagal nang nagrereklamo na nagsasalimbayan sa kanilang pagmamaneho ang mga rider dahil kasama nila sa iisang lane ay buung-buo ang pasasalamat dahil maaaksyunan na rin sa wakas ang matagal na nilang kahilingan.
Ngayon pa lamang ay inaasahang magiging matagumpay ang karagdagang lane na ito para sa motorsiklo sa EDSA dahil kailangang-kailangan na talaga ito.
Kaya hindi pa man ay binabati na natin ang pamunuan ng DOTr dahil sa magandang hakbangin na ito. Sana ay masimulan na ang proyektong ito.
Sa DOTr, umaasa ang marami nating kababayan na magiging maganda na ang daloy ng trapiko sa EDSA kapag naisaayos ang karagdagang lane para sa motorsiklo.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.