ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 16, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako ay may nasaksihan na pananakit ng hayop na ginawa sa aming lugar. Nagising ako isang madaling-araw dahil sa pag-iyak at pag-alulong ng dalawang aso sa aming barangay. Pagsilip ko sa bintana ng aming bahay ay nagulat ako nang makita ko ang opisyal ng aming barangay kasama ang kanyang mga kaibigan na nag-iinuman habang hinahagupit ang dalawang nakatali na aso sa puno. Halos isang oras din silang ganito at tumigil lang matapos sigawan ng iba naming mga kapitbahay. Kinabukasan ay sinubukan kong hanapin ang dalawang aso upang tingnan ang kalagayan nila. Hindi na namin mahanap ang dalawang aso. Tingin ko nabaldado ‘yung isa sa mga aso dahil sa pananakit sa kanila. Ngayon ay gusto sana namin malaman kung may batas na puwedeng gamitin para ireklamo ang mga nanakit sa mga aso. Sana ay mapayuhan inyo kami. — Diego
Dear Diego,
Ang opisyal ng barangay at mga kasamahan niya na nakita mo na nanakit ng mga aso ay maaaring managot sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 8484, na kilala bilang Animal Welfare Act of 1998, na inamyendahan naman ng Republic Act (R.A.) No. 10631. Ito ang pangunahing batas na nagsusulong at nagbibigay proteksyon sa kapakanan ng mga hayop, at nagpapataw rin ng parusa sa sinumang mang-aabuso at magmamalupit sa mga hayop.
Ayon sa Animal Welfare Act:
“SEC. 6. It shall be unlawful for any person to torture any animal, to neglect to provide adequate care, sustenance of shelter, or maltreat any animal or to subject any dog or horse to dogfights or horsefights, kill or cause or procure to be tortured or deprived of adequate care, sustenance or shelter, or maltreat or use the same in research or experiments not expressly authorized by the Committee on Animal Welfare.”
Ibig sabihin nito, ang pagpapahirap, pagpapabaya, at pagmamaltrato sa mga hayop ay itinuturing na krimen sa ilalim ng batas. Ang parusa na ipinapataw sa mga ganitong ipinagbabawal na gawain ay naaayon sa uri ng pinsala na natamo ng pinagmalupitan na hayop. Ayon sa batas:
“SEC. 9. Any person who subjects any animal to cruelty, maltreatment or neglect shall, upon conviction by final judgment, be punished by imprisonment and/or fine, as indicated in the following graduated scale:
1) Imprisonment of one (1) year and six (6) months and one (1) day to two (2) years and/or fine not exceeding One hundred thousand pesos (P100,000.00) if the animal subjected to cruelty, maltreatment, or neglect dies;
2) Imprisonment of one (1) year and one (1) day to one (1) year and six (6) months and/or a fine not exceeding Fifty thousand pesos (P50,000.00) if the animal subjected to cruelty, maltreatment or neglect survives but is severely injured with loss of its natural faculty to survive on its own and needing human intervention to sustain its life; and
3) Imprisonment of six (6) months to one (1) year and/or fine not exceeding Thirty thousand pesos (P30,000.00) for subjecting any animal to cruelty, maltreatment or neglect but without causing its death or incapacitating it to survive on its own. xxx”
Malinaw rito na hindi lamang multa ang parusa, kundi maaaring may kasamang kulong na tatagal mula anim na buwan hanggang isa’t kalahating taon ang maaaring ipataw sa sinumang mapatutunayang lalabag sa nasabing batas.
Para naman sa opisyal ng barangay na nakita mo na kasama sa mga nanakit sa mga aso, mabuti rin na malaman mo na mas mabigat ang parusang maaaring ipataw sa kanya kung sakaling mapatunayan na siya ay nagkasala, dahil isa siyang pampublikong opisyal. Ayon sa batas, parusang pagkakakulong na tatagal mula dalawang taon at isang araw, hanggang tatlong taon, na maaaring may kasamang multa na hindi hihigit sa dalawang daan at limampung libong piso ang maaaring ipataw kapag pampublikong opisyal o empleyado ang gagawa ng nasabing paglabag sa batas. (Id)
Hindi maikakaila na pagmamaltrato at pagmamalupit sa mga aso ang nakita mo na ginawa ng nabanggit mong opisyal ng barangay at mga kasamahan niya. Tama lang na magsampa ka ng reklamo laban sa kanila upang mapanagot sila sa ilalim ng batas at para hindi na rin tularan ng iba pa ang kanilang maling gawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.