ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 19, 2024
Pasado na sa huli at ikatlong pagbasa sa Senado ang panukalang batas na nagsusulong sa paghahatid at pagpapaigting ng kalidad ng early childhood care and development (ECCD) services sa buong bansa.
Mahalagang reporma ang pagpapatatag sa ECCD dahil dito nakasalalay ang pagkakaroon ng matibay na pundasyon ng ating mga kabataan. Kailangang maabot natin ang bawat batang wala pang limang taong gulang, tugunan ang kanilang mga pangangailangang pangkalusugan, at tiyakin ang kanilang kahandaang pumasok sa sistema ng edukasyon.
Sa ilalim ng Early Childhood Care and Development Act (Senate Bill No. 2575) na isinulong ng inyong lingkod, palalakihin natin ang sakop ng universal ECCD access sa lahat ng mga batang wala pang limang taong gulang. Gagawin natin ito sa pamamagitan ng pagpapalawak sa National ECCD System sa mga probinsya, lungsod, munisipalidad, at barangay. Sasaklawin ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrisyon, early childhood education, at social services na tutugon sa pangangailangan ng mga batang wala pang limang taong gulang.
Sa naturang panukala, magiging mandato sa bawat lungsod at munisipalidad na lumikha ng ECCD office na sasailalim sa administrative supervision ng alkalde. Pamumunuan ng tanggapang ito ang pagpapatupad ng mga ECCD programs, kabilang ang pangangasiwa ng mga child development teachers (CDTs) at child development workers (CDWs).
Isinusulong din ng Early Childhood Care and Development Act ang professionalization ng mga CDTs at ang reskilling at upskilling ng mga kasalukuyang CDWs.
Para sa mga CDWs, magiging mandato sa kanilang sumailalim sa mga reskilling at upskilling training programs sa ECCD. Kailangan din nilang sumailalim sa libreng assessment at certification mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Ang ECCD Council ang magiging responsable pagdating sa mga naturang programang ito.
Patatatagin din ng panukalang batas ang ECCD Council upang matiyak ang pagpapatibay ng pundasyon ng mga kabataang wala pang limang taong gulang. Ang ECCD Council ay itatalaga sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Ang mga kalihim ng Department of Education (DepEd) at DILG ang magsisilbing mga co-chairperson ng governing board ng council, habang magsisilbi namang vice-chairperson ang ECCD Council executive director.
Kung tuluyang maisabatas ang ating panukala, matutulungan natin ang bawat bata na magkaroon ng mas magandang oportunidad pagdating sa edukasyon tungo sa magandang kinabukasan.