ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 27, 2025

Dear Chief Acosta,
Kung ang isang mangingisda ba ay nagmamay-ari ng mga kagamitan tulad ng mga pampasabog at mga nakalalason na sangkap para sa ilegal na pangingisda, may karampatang parusa ba laban sa kanya na nakasaad sa batas? Salamat sa inyong kasagutan. — Phetty
Dear Phetty,
Matatagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 92 ng Republic Act (R.A.) No. 8550, o ang “The Philippine Fisheries Code of 1998,” na inamyendahan ng R.A. No. 10654, kung saan nakasaad na:
“CHAPTER VIPROHIBITIONS AND PENALTIES
x x x
Section 92. Fishing Through Explosives, Noxious or Poisonous Substance, or Electricity. –
x x x
(b) It shall be unlawful for any person to possess explosives, and noxious or poisonous substances for illegal fishing.
Upon a summary finding of administrative liability, the offender shall be punished with confiscation of catch, gear, and an administrative fine equivalent to five (5) times the value of the catch or the amount indicated below whichever is higher:
(1) Ten thousand, pesos (P10,000.00) for municipal fishing;
(2) One hundred thousand pesos (P100,000.00) for small-scale commercial fishing;
(3) Five hundred thousand pesos (P500,000.00) for medium scale commercial fishing; and
(4) One million pesos (P1,000,000.00) for large scale commercial fishing.
Violation of this provision shall be punished with imprisonment from six (6) months to two (2) years, and a fine equivalent to twice the amount of the administrative fine and confiscation of catch and gear.”
Sinisigurado ng ating pamahalaan ang paggamit ng tamang paraan sa panghuhuli ng mga isda at iba pang lamang dagat. Ito ay upang matiyak na protektado pa rin ang ating yamang dagat. Kung kaya, may mga klase o paraan ng panghuhuli ng mga isda na ipinagbabawal ng ating batas. Isa na rito, nararapat ninyong malaman na ipinagbabawal ang paggamit ng mga pampasabog at nakalalason na kemikal tulad ng sodium cyanide sa panghuhuli, pangunguha, o pagtitipon ng mga isda sa karagatan ng Pilipinas. Karagdagan dito, nakasaad sa probisyon ng batas na ang pagkakadiskubre ng pagkakaroon ng mga mangingisda ng dinamita at iba pang uri ng pampasabog, o kagamitan na may nakalalason na kemikal ay maituturing na ang mga ito ay ginamit upang mangisda at ito ay masasabing isang akto na labag sa Section 92 ng R.A. No. 8850.
Kung susuriin ang nabanggit na batas at bilang kasagutan sa iyong katanungan, kung ang isang mangingisda o isang tao ay nagmamay-ari ng pampasabog o nakalalason na kemikal para sa ilegal na pangingisda, siya ay maaaring maparusahan nang naaayon sa batas. Matapos mapatunayan na ang isang tao ay may administratibong pananagutan, kukumpiskahin ang mga nasabing ipinagbabawal na kagamitan at magpapataw ng administratibong multa. Karagdagan dito, ang paglabag sa nasabing probisyon ay maaaring parusahan ng pagkakulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon, at multang katumbas ng dalawang beses na halaga ng administratibong multa at pagkumpiska ng mga huli at gamit sa pangingisda.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.