ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 28, 2024
Dear Chief Acosta,
Gusto ko lamang itanong kung ang isang katulad kong sibilyan ay maaaring magdala ng baril at ilagay sa aking baywang para makita ng ibang tao. Kumpleto naman ang mga papeles ng aking baril. Mayroon akong License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Permit to Carry Firearm Outside of Residence (PTCFOR), at ang baril ko ay rehistrado. Maraming salamat. -- Rex
Dear Rex,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 7 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (R.A.) No. 10591 o mas kilala sa tawag na “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act,” kung saan nakasaad na:
“7.11 The following guidelines regarding the manner of carrying firearms shall be observed: xxx
7.11.2 For All Other Persons: (including members of the PNP, AFP and other LEAs in civilian attire)
a) Display of firearms is prohibited. The firearms must always be concealed; Violation of this provision shall be subject for immediate revocation of the License to Own and Possess Firearms and Firearm Registration.”
Samakatuwid, ayon sa batas ay mariing ipinagbabawal ang public display o ang pagpapakita ng baril. Kahit na lisensyado ang baril, dapat pa rin na ito ay nakatago at hindi naka-display.
Kung ang batas ay hindi susundin, maaaring agarang bawiin ang license to own and possess firearms ng taong lalabag dito at ang firearm registration ng nasabing baril.
Upang sagutin ang iyong katanungan, hindi mo maaaring i-display ang iyong baril, kahit pa kumpleto ka ng mga kaukulang lisensya, sapagkat ito ay labag sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.