top of page
Search

ni ATD - @Sports | December 11, 2020




Hindi lang puro hirap at pinsala ang naidulot ng coronavirus (COVID-19) dahil maraming naging matatag sa gitna ng pandemya.


Naging malakas ang mga tao sa pinsalang dulot ng COVID-19 upang matuto sa buhay at malampasan ang mga pagsubok. Tulad ng teams sa Philippine Cup na nagsakripisyo ng mahigit dalawang buwan sa isinagawang PBA bubble.


Mula sa 12 koponan, walo ang pumasok sa quarterfinals at naging apat sa semifinals hanggang sa maging dalawa na lang ang natira sa loob ng bubble upang paglabanan ang minimithing trono ng Philippine Cup.


Hindi nakapagtataka kung bakit natapos sa Game 5 ang best-of-seven finals series sa pagitan ng Barangay Ginebra Gin Kings at TNT Tropang Giga.


Noong Miyerkules ng gabi, hinirang na kampeon ang uhaw na uhaw na Gin Kings matapos ilista ang 82-78 win laban sa Tropang Giga.


Inabot ng mahigit isang dekada bago muling nakamit ni Ginebra ang inaasam na korona, sa panahon pa kung saan ay napeperwisyo ang buong mundo sa pamiminsala ng coronavirus.


"It's so unique - this championship. There's only one. It's in a bubble," saad ni Cone. "This is one that is going to be remembered. We went through a full conference. It wasn't like a mini-tournament which we talked about at first."


Aminado si Cone na matamis ang kanilang tagumpay dahil bukod sa 13 taong paghihintay ay ibang klase ang pinagdaanan nila kasama ng ibang mga team sa bubble.


"It's so unique, when we get back to Manila, and we look back at this one, we will just be amazed at how this all evolved and how it came together and how we actually ended up winning a championship," hayag ni Cone.


Samantala, tiyak na hahanap-hanapin ng mga players, coaching staffs at PBA officials ang experience na naranasan nila sa bubble at kahit binubulabog sila ng COVID-19 ay hindi sila natinag at napanghinaan ng loob.

 
 

ni ATD - @Sports | December 9, 2020




Hindi lang ang coronavirus (COVID-19) ang kinatatakutan ng Barangay Ginebra Gin Kings pati si RR Pogoy ay nababahala sila.


Kahit may injury ang key players ng TNT Tropang Giga ay ayaw magpakasiguro ang Gin Kings kahit lamang sila sa serye sa Philippine Cup finals.


Isang hakbang na lang at tatanghaling kampeon ang Ginebra, abante sila ng 3-1 sa kanilang best-of-seven series at ngayong araw ang Game 5 na ilalaro sa loob ng PBA bubble sa AUF Sports Gym sa Clark, Pampanga.


Maging ang beteranong point guard ng Gin Kings na si LA Tenorio ay napapahanga sa inilalaro ni Pogoy para sa TNT. "We have to do something about him. Grabe ang nilalaro niya," patungkol ni Tenorio kay 28-year-old Pogoy.


Impresibo ang mga laro ni Pogoy sa championship round kaya naman nakakuha ito ng respeto kay Tenorio. "I have to commend Roger. Grabe, sobrang galing niya," ani Tenorio.

Sa ngayon patuloy ang mahigpit na ipinatutupad ang pagsuot ng facemask sa bubble upang hindi basta makapitan ng COVID-19.


Mas magiging ligtas ang lahat laban sa coronavirus kung susunod sa mga health protocols.


Naniniguro ang PBA na hindi na mauulit ang nangyari sa eliminations kung saan nagpositibo sa COVID-19 ang referee at player ng Blackwater Elite.

 
 

ni ATD - @Sports | December 6, 2020




Tuluyan ng wala sa isipan at takot ang TNT Tropang Giga at Barangay Ginebra Gin Kings sa isyung coronavirus (COVID-19) na namiminsala sa buong mundo.


Sapagkat nakatutok ang last two teams sa PBA bubble sa kanilang best-of-seven series ng Philippine Cup.


Lamang sa serye ang Gin Kings, 2-1, yumuko sila sa Game 3 nang tambakan sila ng Tropang Giga, 67-88 noong Biyernes ng gabi sa Clark Giga City, Pampanga.


Pakay ng Barangay Ginebra na sikwatin ang naudlot na pangatlong panalo ngayong alas-6 ng gabi upang mamuro sa pagsilo ng kampeonato.


Muling huhugot ng puwersa si GSM head coach Tim Cone kina Stanley Pringle, LA Tenorio, Japeth Aguilar at Scottie Thompson upang mabingwit ang inaasam na panalo.


Pero tiyak na sasandalan ng Tropang Giga ang momentum upang makatabla sa serye at manatiling malakas ang tsansa na makopo ang korona.


Naging instrumento ng TNT sina Troy Rosario at RR Pogoy sa panalo nila sa Game 3 kaya asahang ibabala ulit sila sa Game 4. "Happy ako ibang Troy Rosario ang naipakita ko ngayon," masayang sabi ni Rosario pagkatapos ng kanilang panalo.


Nagtala si Rosario ng 15 points, tatlong rebounds at dalawang blocks.


Samantala, aalog-alog na lang sila sa loob ng bubble dahil nakauwi na ang lahat ng mga naligwak na teams kaya mas ligtas na sa mapanganib na COVID-19.


Tinitiyak ng PBA na hindi na mauulit na nagpositibo ang referee at player ng Blackwater Elite sa coronavirus kaya mahigpit na ipinatutupad ang health protocols.


Kapansin-pansin na kahit nasa kalagitnaan ng bakbakan ay nakasuot ng facemask ang coach at players na nasa bench, patunay lang na nag-iingat din sila para hindi basta makapitan ng COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page