ni ATD - @Sports | April 7, 2021
Patuloy ang pamamayani ni Pinoy cue artist Jeff De Luna matapos sargohin ang back-to-back titles sa katatapos na 2nd Leg ng Sunshine State Predator Pro Am Tour na ginanap sa Boulevard Billiards sa Ocala, Florida.
Kilala sa bansag na "The Bull" sa Philippine Billiards dahil sa lakas nitong sumargo, nakopo nito ang pangalawang titulo ngayong 2021. Nakalaban muli ni De Luna sa championship round si Anthony Meglino at sa pangalawang pagkakataon ay ginapi niya ito sa bisa ng 9-4 iskor.
Bago nakalaban sa finals ay inilaglag ni De Luna si Meglino sa loser's bracket nang magkalaban sila sa semifinals.
Diretso sa championship round si de Luna habang gumapang sa loser's bracket si Meglino para sumampa sa finals. Kinubra ni De Luna ang $1,100 premyo habang nagkasya sa $710 runner-up purse si Meglino. Una silang nagharap sa finals sa first Leg noong Pebrero at nasilo ng Pinoy ang titulo nang hindi nakatikim ng pagkatalo.
Samantala, gigil nang mag-ensayo si 2019 Southeast Asian Games gold medalist
Margarita Ochoa para mapaghandaan ang mga sasalihang tournaments ngayong taon.
Hindi maawat ang pamiminsala ng coronavirus (COVID-19) kaya naman nasasalto ang mga trainings ng national jiu jitsu artist. “I think makakabalik naman it’s just a question of when," saad ni Ochoa. "Hindi natin alam kung kailan pero ang sport namin is very flexible, nag-a-adjust iyan sa mga sitwasyon,”
Kasama ang jiu jitsu sa sports events na lalaruin sa 2021 SEA Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2. Umaasa si Ochoa na mabibigyan din ang mga national athletes ng vaccines para sa COVID-19.
Balak ng Jiu jitsu Federation of the Philippines (JFP) na ipasok ang kanilang mga atleta sa isang ‘bubble’ training.
Samantala, sumikwat si Ochoa ng gintong medalya sa women’s under-45kg division sa 2019 SEAG na ginanap sa Pilipinas.