top of page
Search

ni Gerard Peter / ATD - @Sports | April 18, 2021




Ilang tulog na lang at sasalang na ang Triathlon Olympic aspirants Asian Triathlon Championships na gaganapin sa Hatsukaichi, Japan sa Abril 24-25.


Kahit daraan sa butas ng karayom ay naniniwala si TRAP president Tom Carrasco na lalanding sa top 10 sina Southeast Asian Games gold medalist Kim Mangrobang sa women’s division at Kim Remolino at Fer Casares sa men’s side.


Magtutungo agad si Mangrobang sa Japan upang magkaroon ng oras sa travel protocols at quarantine period.


At saka susunod sina Remolino, Fil-Spanish Casares, coach Ani De Leon-Brown at TRAP Secretary General Ramon Marchan para makasama si Mangrobang sa Japan.


Tig-isang Olympic slot lang sa men's at women's division ang paglalabanan sa Asian Championships. Magiging daan din ang nasabing event para sa selection ng Philippine team na sasabak sa 2021 SEA Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam.


Doble ang pag-iingat ng mga atleta upang manatiling negatibo sa coronavirus (COVID-19) pagsapit ng event.


Samantala, nasungkit ng Dumaguete Warriors ang unang panalo sa Visayas leg ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup nang mapasuko ang Tubigon Bohol Mariners, 88-73, Biyernes ng gabi sa Alcantara Civic Center sa Cebu.


Mula sa pitong puntos na bentahe, 62-55, umarya ng tuluyan ang Warriors sa 79-62 nang sumiklab ang outside shooting nina guards James Regalado at Jaybie Mantilla may 6:21 ang nalalabi sa laro. Naitarak ng Dumaguete ang pinakamalaking bentahe sa 19 puntos, 82-63, mula sa three-pointer ni Regalado . “Tsina-challenge ko lang sarili ko kasi nu'ng first half hindi ako makabutas. Kaya sabi ko sa sarili ko na papasok din ito. Hayun nakabutas naman,” pahayag ni Regalado. “Kumpiyansa andyan naman pero yung timing lang talaga hinahanap ko,” aniya. Nauna rito, nakopo ng KCS Computer Specialist-Mandaue City ang ikatlong panalo sa apat na laro nang pabagsakin ang Tabogon Voyagers, 86-53.

 
 

ni ATD - @Sports | April 15, 2021




Tama ang piniling destinasyon ni Pinoy cager Kai Sotto sa kanyang hangarin na makalaro sa National Basketball Association, (NBA).


At sang-ayon naman si Philippine Basketball Association, (PBA) legend Ramon Fernandez sa daan na pinuntahan ni Sotto.


Naniniwala si Fernandez na tama ang tinatahak na landas ni Sotto na kasalukuyang nasa U.S. para mag training upang maabot ang pangarap. "Ang masasabi ko lang, tama 'yung ginawa niya na nagpunta siya sa States at doon siya nag-training," lahad ni 19-time PBA champion at four-time PBA MVP, Fernandez, sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.


Hindi nakapaglaro si 7-foot-3 Sotto sa nakalipas na NBA G League season kasama ang Ignite ngunit patuloy naman ang pagpapalakas ng 18-year-old big man upang maging handa anumang oras.


Samantala, isa sa naging susi sa tagumpay ni International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas ay ang pagtulong sa kanya ni Tokyo Olympics-bound Eumir Felix Marcial.


Matagumpay na nadepensahan Ancajas ang titulo matapos talunin via unanimous decision si mandatory challenger Mexican Jonathan Rodriguez. Bilang ganti, hindi pa babalik ng Pilipinas si Ancajas, mananatili ito sa America upang tulungan si Marcial na naghahanda para sa Olympic Games na gaganapin sa Tokyo, Japan sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8. “Mag-stay pa muna kami rito dahil tutulungan pa namin si Eumir sa preparations niya sa Olympics,” ani Ancajas.

Sparring partners sina Marcial at Ancajas sa kanilang training camp sa America.


Malaki ang naitulong niya sa sparring ko. Kaya wala kaming nasa isip ngayon kundi makuha ni Eumir ‘yung pangarap nating lahat na gold sa Olympics,” pahayag ni Ancajas.


Mananatili sa Los Angeles, California si Marcial at saka bumalik sa Pilipinas sa susunod na buwan para makasama ang national team sa training camp.


Samantala, sakto din na manatili si Ancajas sa America dahil nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) pa ang National Capital Region, (NCR) dahil namiminsala pa rin ang coronavirus (COVID-19).

 
 

ni ATD / VA - @Sports | April 14, 2021




Isang bagong national record ang naitala sa athletics event na women's hammer throw ng Filipina-Canadian na si Shiloh Corrales-Nelson. Naitala ng 19-anyos na si Corrales-Nelson ang bagong Philippine record matapos ang gold winning performance sa Triton Invitational sa San Diego, California noong weekend.


Naibato ng first year student sa University of California Riverside (UCR) ang hammer sa layong 50.63 meters na bumura sa 8-taong rekord na 50.55 meters na ginawa ni Loralie Amahit-Sermona noong Asian Championships sa Pune, India.


Ayon kay UCR track coach Candace Fuller, nagawa ni Corrales-Nelson ang bagong rekord sa huli nitong pagbato. Si Shiloh at ang ate nitong si Zion,silver medalist noong 30th Southeast Asian (SEA) Games ay may dugong Pinoy dahil sa kanilang inang si Editha Corrales. Dahil bata pa, kumpara kay Amahit-Sermona na edad 29-anyos ng maitala ang dating rekord, inaasahang malayo pa ang mararating ni Corrales-Nelson.


Samantala, mahirap pero sisikapin ng Filipino triathletes na makasilo ng olympic berth kaya naman puspusan ang kanilang paghahanda para sa Asian Championships na gaganapin sa Hatsukaichi, Japan sa April 24 hanggang 25.


Puntirya nina Portugal-based Kim Mangrobang, Kim Remolino ng Cebu at Fil- Spanish Fernando Casares na makasikwat ng panalo laban sa mga tigasing katunggali para mahablot ang tig-isang slot sa men at women's division ng Tokyo Olympic Games.


Sa ABril 18 tutungo sina Mangrobang, Remolino at Casares sa Japan para magkaroon pa ng oras sa protocols at quarantine period.


Maliban sa Olympic slots, magsisilbing selection ang Asian Championships para sa Philippine team na sasabak sa Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.


Inamin ni SEA Games mixed relay gold medalist Casares sa Radyo Pilipinas na gagawin nito ang lahat para manalo sa Asian Championships.


May anim na Pinoy athletes pa lang ang may tiket sa quadrennial meet na ilalarga sa Hulyo 23 hanggang Agosto 9 sa Tokyo, Japan.


Dobleng pag-iingat ang ginagawa ng national athletes upang hindi makapitan ng mapanganib na coronavirus (COVID-19).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page